Thursday, March 27, 2014

CHA-CHA, EPIRA, ODL AT ISKWATER SA SARILING BAYAN

_benny antiporda PINAGLOLOLOKO tayong mga Pinoy ng mga dayuhan at isinusubo tayo ng ating mga mambabatas o ng mismong pamahalaan sa mga dayuhan para lalo tayong lokohin.


Kaugnay ito ang pagkilos ng mga mambabatas sa Kamara na baguhin ang ating Saligang Batas upang makapasok ang mga dayuhan at maghari nang buong-buo sa maraming bagay.


Naka-recess o walang sesyon ngayon ang mga mambabatas dahil sa Semana Santa pero pagbalik nila, ipipilit nila ang Charter Change o Cha-Cha para baguhin ang Saligang Batas na magiging daan para tayo paglolokohin ng mga dayuhan.


PAGBABAGONG PANG-EKONOMIYA


PINAG-IINITAN ng mga mambabatas ang nilalaman ng Saligang Batas na nagtatadhana ng 60-40 hatian sa pagmamay-ari ng mga kompanya na nakatayo na o itatayo pa lamang sa mahal kong Pinas.


Matatagpuan ito sa Article 12 ng 1987 Philippine Constitution.


Sinasabi rito na ang mga dayuhang tao o kompanya, kung magtatayo sila ng negosyo sa Pinas, eh, kailangang hanggang 40 porsyento lang sila sa pagmamay-ari at nasa kamay ng mga Filipino ang 60 porsyento.


Ito’y upang matiyak na ang mga Filipino ang masusunod sa anomang desisyon na gagawin, ang batas ng Pilipinas ang masusunod at ang interes ng Pilipinas ang higit na maisusulong kaysa interes ng mga dayuhan.


Pero ang tadhanang 60-40 ng Saligang Batas ang gustong burahin ng Cha-Cha para umano umunlad na nang todo ang Pilipinas.


SA KANILA NA LAHAT


ANG ganda ng sinasabi ng Cha-Cha boys: para umunlad na ang Pilipinas at yayaman na si Pinoy.


At para makamit ang kaunlaran at pagyaman ng mga Pinoy,sinasabi ng Cha-cha boys na ipaangkin nang 100 porsyento sa mga dayuhan ang lahat ng mga negosyo na kanilang itatayo at mga lupang kailangan nila sa negosyo, kabilang na ang mga lupang industrial at agricultural at alisin sa mga Pinoy ang kontrol sa management at superbisyon sa lahat ng ito.


Pero hindi lang hanggang dito ang gusto ng Cha-cha boys.


Idadamay na rin nila ang 100% na pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga likas na yaman ng bansa, kasama na ang mga langis, natural gas, ginto, pilak, tanso, asupre at lahat nang maisipang lamutakin ng mga negosyante na yaman ng bansa.


Kasama rin dito ang pagpasok ng lahat ng uri ng mga propesyonal at obrero na dayuhan sa lahat ng mga kompanya na kanilang itatayo at nakatayo nang mga kompanya.


Sa ibang salita, sa laki ng kapital ng mga dayuhan, kaya nilang lamunin nang buong-buo ang Pilipinas at mga Pinoy at diyan na tayo uunlad.


MALAMPAYA NATURAL GAS


ISA sa masasabi nating medyo larawan ng magiging itsura ng negosyo sa Pilipinas ang Malampaya natural gas sa Palawan.


Dati-rati, atin ang 60% at sa Shell ang 40% na pagmamay-ari sa natural gas at kontrol sa management at supervision ng kompanyang humahawak sa likas na yamang ito.


Hindi nagtagal, ibinenta ng gobyerno ng Pinas ang 40% na parte nito at pumasok ang Chevron kaya hanggang 10% na lang ang pagmamay-ari ng gobyerno.


Umunlad ba ang Pinas at yumaman ang mga Pinoy sa likas na yaman nating natural gas?


Ang totoong nangyari: ang Pilipinas na ang may pinakamahal na kuryente sa buong Asya at nalagpasan na natin ang presyo ng kuryente sa Japan.


Dahil dito, anak ng tokwa, hindi lang nagkakandahirap-hirap ang maraming kompanya sa mahal na kuryente kundi maging ang mga pamilyang Pilipino.


Pahirap lang ang idinating ng natural gas na ipinagyayabang na P14 lang bawat litro bilang panggatong sa mga planta ng kuryente sa Batangas.


Paano pa kung sa pamamagitan ng Cha-Cha, eh, aangkinin na ng mga dayuhan ang lahat ng likas na yaman ng mahal kong Pinas?


EPIRA AT OIL DEREGULATION


ANG nagaganap din sa langis at kuryente sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law at Electric Power Industry Reform Act ay maglalarawan ng bunga ng Cha-Cha.


Magkakasosyo sa ngayon ang iilang mayayamang Pinoy at dayuhan sa negosyong kuryente sa Pinas, kasama na ang kawad na dating hawak ng National Power Corporation.


Ganito rin sa langis maliban lang sa Shell na buung-buong pag-aari pa rin ng mga dayuhan.


Pero kung diktahan ng mga negosyanteng Pinoy at dayuhan ang presyo ng kuryente ay ganoon na lang at walang magawa maging ang gobyerno ng Pilipinas.


Ang EPIRA at ODL ang gamit ng mga hinayupak para magtataas nang magtaas ng presyo ng langis at kuryente.

Paano na lang kung magtagumpay ang Cha-Cha at ibigay nang todo sa mga dayuhan ang negosyo sa langis at kuryente?


Tandaan: maging ang “Tuwid na Daan” ay tameme rito at sa tingin nito ay batas ng makapangyarihang Diyos ang EPIRA at ODL.


CHA-CHA NA LAHAT


KUNG oks sa inyo na magiging pag-aari ng mga dayuhan ang lahat ng mga kayamanan at negosyo sa Pinas at aprubahan ang ginagawa ng ating mga mambabatas para magka-Cha-Cha, wala tayong dapat sisihin kundi ang ating mga sarili.


Totoo na may magkakatrabaho pero ‘batas na rin ng Diyos’ ang kontraktuwalisasyon na dinededma ng Tuwid na Daan.


Pero paano ang pagiging iskwater, utusan at pulubi natin sa sarili nating bayan dahil sa Cha-Cha ng mga kasosyo ng mga dayuhan?


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post CHA-CHA, EPIRA, ODL AT ISKWATER SA SARILING BAYAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



CHA-CHA, EPIRA, ODL AT ISKWATER SA SARILING BAYAN


No comments:

Post a Comment