Wednesday, March 26, 2014

5 milyong doses ng MR ibinigay sa Pinas

INIHAYAG ng Department of Health (DoH) na may limang milyong doses ng measles-rubella (MR) vaccine ang ibinigay sa Pilipinas ng Prince of Wales, sa pamamagitan ng Serum Institute of India, na isa sa pinakamalaking manufacturer ng naturang bakuna sa buong mundo.


Ayon sa DoH, nilagdaan na ni Health Secretary Enrique Ona ang Deed of Donation para pormal na tanggapin ang naturang donasyon.


Nagpaabot din si Ona nang labis na pasasalamat sa Prince of Wales at sa Serum Institute dahil sa regalo nitong malaking tulong sa bansa dahil makapagliligtas ito ng buhay.


Tiniyak pa ng Kalihim na ang naturang donasyon ay magiging bahagi ng bakunang ipagkakaloob sa may 13 milyong bata, sa idaraos na mass immunization campaign sa bansa sa Setyembre.


Ang naturang immunization campaign ay isasagawa sa pakikipagtulungan ng World Health Organization (WHO) at bahagi ng patuloy na pagtugon sa mga problemang idinulot sa bansa ng bagyong Yolanda.


Target nitong mabakunahan ang mga batang wala pang limang taong gulang na pinakananganganib na tamaan ng tigdas.


Matatandaang una nang nagtakda ng mass immunization ang DOH at mga local chief executive matapos ang pagtaas ng measles cases sa bansa noong nakaraang taon.


Layunin nitong makontrol ang mga measles outbreak at maiwasan ang pagkamatay sa mga batang tinamaan ng sakit at nauwi sa kumplikasyon.


Ang measles o tigdas ay isang nakahahawang respiratory disease na sanhi ng virus at naikakalat sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo at close personal contact.


Kabilang sa sintomas nito ay ubo, tumutulong sipon, pamumula ng mata, at rashes sa katawan na maaaring magtagal ng hanggang tatlong araw.


Maiiwasan ang sakit kung mababakunahan ang mga bata kung sila ay siyam na buwang gulang pa lang at mabibigyan ng Vitamin A supplementation sa panahon ng routine measles vaccination.


Batay sa ulat ng DOH, kabuuang 17, 669 suspected measles cases ang naitala sa bansa simula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2014, at 23 sa mga kumpirmadong kaso ng sakit ang namatay. Karamihan sa mga confirmed measles cases ay mula sa National Capital Region (NCR) na pumalo sa 60%, sumunod ang Region IVA (26%) at Region III (7%).


The post 5 milyong doses ng MR ibinigay sa Pinas appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



5 milyong doses ng MR ibinigay sa Pinas


No comments:

Post a Comment