ISINUSULAT ko ang pitak na ito, hindi pa nagtatalumpati si Pangulong Aquino sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Pambansa.
E, dapat ba siyang pakinggan?
Ang tawag ng iba sa SONA, pambobola lang ni “Boy Nganga” kaya nga sa labas ng Kamara, marami ang nagprotesta.
Hindi sila naniniwala sa dakdak ni PNoy. Ngawa raw siya nang ngawa, wala namang nagawa.
Ang SONA ni PNoy para sa mga kritiko ay nananatiling SANA para sa mga nagugutom na maraming Pinoy.
***
Para sa atin, hindi mga datos o numero ang mahalagang sabihin ni Pangulong Aquino.
Ang mahalaga ay matiyak ni PNoy na ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat Juan dela Cruz ay murang mabili sa mga tindahan at pamilihan.
Hindi po sa satsat, mahal naming Pangulo. Hindi po namin nakakain ang mga numero at datos ninyo. Hindi po kami nabubusog sa mga pangako ninyo.
Sana, ‘yung ginastos n’yo raw sa SONA, sa ibiniling pintura para sa gusali ng Kongreso, sa ibiniling bagong carpet na tatawiran mo, sa ibiniling bagong Barong Tagalog, sa bagong hairdo, sa gagastusing allowance ng mga pulis na bantay sa ‘yo, eh, ibinili na lang sana ng bigas, noodles at sardinas, natuwa pa kami.
***
Noong ika’y naluklok sa poder noong Hunyo 30, 2010, tinawag n’yo kaming mga boss. Kami ang inyong susundin at hindi ang mga kapritso mo.
Nangako kang buburahin ang kurakutan sa gobyerno. E, bakit marami pa ring kurakot? Ang mga kurakot ay mga bata mo pa?
Ipinakulong mo nga ang mga kurakot na kalaban, ang mga kakampi naman at kayo ay nagtatakipan.
Mistulan kayong isang mafia na mahirap buwagin.
Tatawa-tawa ka pa “Boy Nganga”!
***
Apat na taon na ang lumipas, mahal naming Pangulo, ang sinasabi n’yong tuwid na daan ay lubak-lubak pala. Kaming mga nasa marginalized society ay hindi alam kung saan pupunta.
Ang mga pangunahing kailangan namin na pagkain, tirahan, damit, edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyo ay hindi namin makita.
Ang pondo pala para sa mga ito ay naiba ng daan at napunta sa mga bulsa n’yo at mga bata mo.
Hanggang ngayon, ang sinasabi mong gumandang serbisyo ng gobyerno at reporma ay nananatiling mailap.
Kaya kami, kagaya mo, Mahal naming Pangulo, ay nakanganga.
Pa-SONA-SONA ka pa, ‘Boy Nganga’! KANTO’T SULOK/Nats Taboy
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment