ISANG napakahalagang balita ang pumutok noong isang linggo pero hindi gaanong nabigyang-pansin, dahil na rin sa ingay na dulot ng pagsisinungaling ni Budget Secretary Butch Abad sa Senado kaugnay ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito ay ukol sa pagkakaroon ng mataas na arsenic sa mga inaangkat na bigas ng National Food Authority mula sa ibang bansa. Kaya nanawagan ang mga grupong EcoWaste Coalition at People for Empowerment and Truth sa pamahalaang Aquino, na bumalangkas ng mga tuwirang batayan at patakaran para masiguro na ligtas ang bigas na ibinebenta sa merkado.
Sinabi ni Mike Domingo, convenor ng PET, na hindi dapat ipagwalang bahala ng pamahalaan ang “masamang balitang ito.”
Idinagdag naman ni Thony Dizon, coordinator ng EcoWaste Coalition Project Protect na dapat magsagawa ng mga pagsusuri ang pamahalaan para masiguro ang kaligtasan ng mga tao.
Reaksyon ito nina Domingo at Dizon sa ulat ng South China Morning Post noong Hulyo 19, na nagsasabing napagpasiyahan ng Codex Alimentarius Commission na “dapat ng magtakda ng international standard ang mga bansa para limitahan ang taglay na arsenic sa mga bigas na inaani mula sa rice exporting countries”.
Ang arsenic ay nakalalasong metallic element na may kulay dilaw, itim at gray at bagama’t may sangkap itong nakalalason ay ginagamit din ito para gumawa ng mga pesticide, pamatay ng damo at iba pang may kaugnayan sa pagtatanim.
Sinabi pa ng komisyon na nakabase sa Geneva, Switzerland na ang pagkakaroon ng sobrang arsenic pollution sa mga bigas na kinakain ng tao ay magiging dahilan ng kanser, heart disease at pagkasira ng nervous system at utak na maaari namang mauwi sa pagkamatay.
“Arsenic is an environmental contaminant. It occurs naturally and is taken up by plants from the water and soil when they’re growing, in particular. rice,” sabi ni World Health Organization food safety coordinator Angelika Tritscher.
Dahil doon ay itinakda ng komisyon ang maximum na 0.2 milligrams ng arsenic kada kilo ng giniling na bigas na siyang ibinebenta at kinakain naman ng mga tao.
Ang ilang bansa na lumalabas na lubhang mataas ang arsenic level ng bigas ay Bangladesh China, Cambodia, India at Vietnam na incidentally ay kung saan karamihan natin inaangkat ang ating bigas.
Dahil sa pangyayaring ito ay dapat mag-isip na ang pamahalaan kung ipagpapatuloy pa ba nito ang patakaran ng rice importation na tulad ng ginagawa ng NFA.
Sa huli ay ipinanukala rin ng mga grupo na ihinto na lang ang walang patumanggang importation dahil hindi ligtas ang binibili nitong bigas at sa halip ay palakasin na lang sarili nating produksyon ng bigas. OPENLINE/Bobby Ricohermoso
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment