Monday, July 28, 2014

100M PINOY LUBOG SA UTANG

NAKATATAKOT isiping lubog ang mahal kong Pinas sa utang.


Nakatatakot dahil ang mga boss ni PNoy ang nagpapasan ng lahat ng ito.


Mabuti sana kung napakikinabangan nang higit ng mga boss ang utang.


Eh hindi, ang mga korap at mandarambong ang lumalabas na higit na nakikinabang dito.


MGA UTANG NINA BOSS


Balikan natin, mga Bro, ang mga utang ng mga boss sa Malakanyang.


Humigit-kumulang ang ating mga na rekord pero konti lang ang mga diperensya sa mga saktong halaga dahil galing mismo ang mga ito sa gobyerno.


Noong umalis si Erap sa Malakanyang, nag-iwan ito ng kabuuang utang na nasa P2.17-trilyon.


Nag-iwan naman ng kabuuang utang si Aling Gloria na nagkakahalaga ng nasa P4.36-trilyon.


Ngayong ikaapat na taon ni PNoy sa pwesto, anak ng tipaklong, lumundag din ang utang sa nasa P5.9-trilyon.


Binubuo ang utang ni PNoy ng galing sa ibang bansa na nagkakahalaga ng P2.5-trilyon at lokal na nagkakahalaga naman ng P3.4-trilyon.


UTANG NG BAYAN


Dahil lubog sa utang ang gobyerno, lubog din ang mga mamamayan sa utang dahil ang ipinangungutang nito ay ang sari-saring koleksyong buwis at iba pang koleksyon nito mula sa mga mamamayan gaya ng lisensya, prangkisa, permit, multa at marami pang iba.


‘Yun bang === ang mga salapi na koleksyon mula sa mga mamamayan ang ipinangangakong pambayad sa utang.


Noong panahon ni Erap na may 81M Pinoy, nagkautang ang bawat isa ng halos P27,000.


Matapos ang panunungkulan ni Aling Gloria, nagkautang naman ang bawat Pinoy ng mahigit P47,000.


Sa ikaapat na taon naman ni PNoy, may utang na ang isang Pinoy na nasa P59,000.


PAGBABAYAD NG UTANG


Dahil sa laki ng utang ng gobyerno sa labas at loob ng bansa, kailangan itong magbayad din ng malaki taon-taon at sa katunayan, ang bayad sa utang ang pinakamalaking pinaglalaanan ng gobyerno.


Balewala ang sinasabi ng Konstitusyon na ang edukasyon ang dapat na pangunahing pagtutuunan ng pansin at kung gayun ay dapat ito ang may pinakamalaking bahagi sa pambansang badyet taon-taon.


Tingnan ninyo, mga Bro.


May badyet ang gobyernong Aquino na P1.8-trilyon noong 2012 pero ang ibinayad sa utang ay nasa P700B.


Ngayong 2014, magbabayad ito ng utang na P791B mula sa badyet na P2.2-trilyon.


Malayong mas malaki ang pambayad sa utang kaysa sa pinagsamang badyet ng edukasyon na P336B at ng pagawaing bayan o public works na P213B.


Ngayon, mga Bro, matatantiya na ninyo ang rekord para sa taong 2013 at maaaring mauulit ang kasaysayan ng malaking pagbabayad sa utang kahit sa 2015.


UTANG MUNA BAGO SERBISYO


Hindi maitatatwa sa rekord na number one na prayoridad ng gobyerno ang pagbabayad ng utang at ang katotohanan ay hindi na nito maisisi ang malaking utang sa mga nakaraang administrasyon.


Ang edukasyon na itinutulak ng Konstitusyon na dapat number one na programa ng gobyerno ay nasa ilalim lang ng palda ng administrasyon.


Sa simpleng salita, mga Bro, utang muna bago ang edukasyon ang inaatupag ng gobyerno. Walang labis, puro kulang ang badyet para sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan.


UTANG NASAAN?


Ito ang malaking problema: nasaan nga ba ang utang?


Mahirap na sundan kung saan ginagamit ang mga utang. Pero ang tiyak, may mga pinagkakagastusan ang gobyerno at dito makikita kung saan ibinubuhos ang utang.


Isang tanong pa: kasama ba sa mga utang na ginagastos ang taunang P24B Priority Development Assistance Fund at P177B partly unconstitutional na Disbursement Acceleration Program?


Syempre pa, your guess is as good as mine, sabi ng mga Ingliserong taga-Malakanyang. Hehehe.


Alalahaning naglalabasan ang katotohanan na kahit idineklara ng Supreme Court na unconstitutional ang PDAF at partly unconstitutional ang DAP eh, buhay na buhay ang mga ito.


HUWAG MAGTAKA


Kaya naman, huwag tayong magtaka kung bakit buwis dito, multa roon ang ginagawa ng pamahalaan sa lahat ng mga mamamayan.


Kailangan kasi nito ang pambayad sa utang na sarili nitong gawa.


Kahit pa maliwanag na malaking halaga ang kinokorap at dinarambong sa utang at mga buwis at multa na rin ng mga matutuwid na opisyal ng bayan.


PD 1177 BUWAGIN


Kung pag-aaralan ang problema sa pagbabayad ng utang, mga Bro, ang batas na Presidential Decree 1177 ang isang malaking problema.


Batas noon pang martial law ito at nakapagtatakang ayaw buwagin ng kahit sinong Pangulo ng mahal kong Pinas.


Iniuutos ng PD 1177 na awtomatikong magbayad ng utang ang gobyerno ng Pinas, lalo na sa mga dayuhang utang.


At kung pag-uusapan ang utang sa mga dayuhan, hindi lang ang World Bank, International Monetary Fund, Asian Development Bank at Japan International Cooperation Agency ang pinag-uusapan kundi ang mga bangkong international na nakatayo sa Pilipinas na pinagkakautangan din ng gobyerno.


Kasama rin dito ang mga garantisado ng gobyerno na utang ng mga kompanyang partner nito sa Public-Private Partnership.


Kung mabubuwag lang ang batas na ito, malaya sanang kontrolin ng gobyerno ang pagbabayad sa utang na may halong korapsyon, pandarambong at pagsasamantala ng mga dayuhan.


At mailalaan ng gobyerno ang salaping bayan para sa proyekto at programang para talaga sa ikauunlad ng mga Pinoy.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



100M PINOY LUBOG SA UTANG


No comments:

Post a Comment