Tuesday, March 25, 2014

Pagpaslang sa 4 na minero sa Caramoan Island, pinanawagan ni Tserman

NANAWAGAN na ang barangay chairman sa Caramoan Island kina Pangulong Noynoy Aquino at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas kaugnay sa pagkakapaslang sa apat na minero.


Ipinahayag ni Barangay Gata Chairwoman Mercy Sueno kay Pangulong Aquino na tulungan sila dahil sa sinapit ng kanyang mga ka-barangay.


Hiniling din ng opisyal kay Sec. Roxas na alisin na ang Task Force Kalikasan na saklaw ng Provincial Government dahil sa pang-aabusong ginawa sa kanila.


Una rito, personal na nagtungo si Sueno sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod ng Naga kasama ang dalawang testigo sa pangyayari upang humingi ng ayuda sa ahensya.


Kaugnay nito, tiniyak ng NBI na makikipagtulungan sila sa Philippine National Police (PNP) upang malaman ang totoong motibo sa pamamaslang at kung sino ang responsable sa krimen.


Sa ngayon ay pitong mga suspek na ang nasa kustodiya ng PNP.


Bagama’t mariing pinabubulaanan ng Task Force Kalikasan ang akusasyon, nanindigan si Sueno na ang grupo ang pumaslang sa apat na minero noong Sabado.


Aniya, nag-ugat ito noong Disyembre ng nakaraang taon nang kumpiskahin ng grupo ang mga gamit sa pagmimina ng mga residente sa lugar dahil sa kawalan ng permit ng nag-ooperate na small scale mining.


Binanggit umano ng supervisor ng Task Force na si Francisco Tria III na makapagmimina lamang sila kung ipagbibili nila kay Maria Jenin Raigon ang makukuhang ginto, dahil ito umano ang binigyan ng awtorisasyon ni Gov. Villafuerte.


Tumanggi naman si Sueno dahil P900 lamang umano bawat gramo ng ginto ang iniaalok na halaga kumpara sa P1,200 ng pinagdadalhan ng mga mangkakabod.


Bunsod nito, gumawa ng paraan si Sueno upang makapagsumite ng aplikasyon sa MGB para sa isang minahang bayan sa lugar.


Matapos ang tatlong buwan ay nakumpleto niya na ang mga papeles at noong Marso 20 lamang ay isinailalim na sa inspeksyon ang mining site dahil wala na aniyang makain ang mga residente sa lugar na umaasa sa pagmimina.


Kaya nakiusap umano siya sa isang Rick Nacional na siyang nag-inspeksyon kung maaaring makapagsimula na silang magmina habang hinihintay ang permit na tatlo hanggang apat na buwan pa bago maipapalabas.


Ayon kay Sueno, natuwa sila sa nangyaring development ngunit noong Marso 22, habang nagkikiskis ng ginto ang kanyang mga ka-barangay, dumating ang Task Force Kalikasan kasama si Francisco Tria III na siyang nagsisilbing supervisor ng grupo.


Bago umalis ay nagbanta pa umano si Tria na babalik sila at kukuha ng back-up.


Kinagabihan, dito natanggap ang kalunos-lunos na balita tungkol sa pagkakapaslang sa apat na mga biktimang minero.


Samantala, may mga lumalabas ding anggulo na posibleng may kulay politika ang pangyayari lalo pa’t si Sueno umano ay supporter ng mga Fuentebella habang ang Task Force Kalikasan naman ay saklaw ng provincial government na pinamumunuan ni Gov. Migz Villafuerte.


The post Pagpaslang sa 4 na minero sa Caramoan Island, pinanawagan ni Tserman appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Pagpaslang sa 4 na minero sa Caramoan Island, pinanawagan ni Tserman


No comments:

Post a Comment