NAKIKIPAGSAGUTAN na ang mga taga-Olongapo at mga karatig-bayan nito sa mga supot-supot na grupong tumutuligsa sa pagpapalawig ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito Ang Totoo: nag-inisyatiba na ang “Former US Naval Base, Subic Bay Employees Association” para isulong ang pagsuporta sa mas malimit at mas maraming pwersang militar ng Amerikano sa Subic at iba pang panig ng bansa.
Kung tutuusin, mas marami ang hindi kontra at pabor pa sa pagpapalawig ng VFA dahil sa idudulot nitong benepisyo sa ekonomiya, kapwa sa negosyo at empleyo, gayundin sa seguridad ng bansa sa harap ng pang-aagaw ng bansang Tsina sa mga teritoryo nito, partikular sa West Philippines Sea na tinatawag ding South China Sea.
Gayunman, lamang sa organisasyon ang mga kontra sa VFA dahil sila ay may mga grupong matagal nang buo, kumikilos, bumabatikos at laging kontra sa kahit kaninong administrasyon ang maupo sa pamahalaan ng Pilipinas at mga bagay na may kinalaman sa Amerikano.
At dahil nasa Metro Manila, madali silang mapansin ng media lalo pa kapag may gimik na gulo, halimbawa sa US Embassy at Malacañang.
Pero pagdating sa pananakop ng Tsina sa mga teritoryo ng Pilipinas, tahimik lang itong mga kontra sa VFA, kahit binobomba at piniperhuwisyo na ng mga Tsino ang buhay at kabuhayan ng mga pobreng Pinoy na nangingisda sa may Panatag shoals.
Ito Ang Totoo: kung walang sasagot sa mga kontra sa VFA, baka akalain ng madla at ng buong mundo na ayaw talaga ng mga Filipino sa mga Amerikano kaya naman tama lang ang aktibong pagsusulong ng FUSNBSBEA na paboran ang pagpapalawig ng VFA sa dahilang pang-ekonomiya at seguridad ng bansa.
May “signature campaign” ang FUSNBSBEA na inilunsad kamakailan kasabay ng unang reunion ng mga dating manggagawa base sa nakalipas na 22 taon matapos isara ang US Naval Base sa boto lamang ng epal na 12 senador noong 1992.
Isusumite ang mga lagda ng pabor sa VFA sa Malacañang, Senado at Kamara.
Nagsagawa rin ng rally sa Rizal Triangle ng Olongapo City ang grupong FUSNBSBEA noong Miyerkules para hikayatin ang buong sambayanan na lumabas at magpahayag ng kanilang paninindigan kaugnay ng pagpapalawig ng VFA sa Pilipinas para sa kapakanan ng mamamayan at ng bayan. Ito Ang Totoo!
The post PABOR SA VFA LUMANTAD appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment