TINATAWAGAN ko ng pansin si Pangulong Mayor Erap Estrada na siyang kasalukuyang punong lungsod ng Maynila.
Mukhang kailangang kapag lumalabas ng kanyang tanggapan si Pangulong Mayor Erap ay hindi lamang ang kalagayan ng trapiko at mga pasaway na mga drayber sa mga kalsada ang dapat bigyan niya ng pansin. Bagama’t nais kong ipagpaunawa na natutuwa ako sa mga repormang ginagawa niya para bigyan ng kaayusan at katinuan ang mga kalsada sa Maynila.
Pero maliban sa trapiko, mukhang kailangang pagtuunan niya rin ng pansin ang mga pampublikong hospital na nasa ilalim ng pamamahala ng city hall. At isa sa mga dapat pagtuunan ng pansin ni Pangulong Mayor Erap ay ang Sta. Ana Hospital.
Marami na rin kasi akong nakausap na mga dating pasyente at mga may sakit na taga-Maynila na nagtangkang magpagamot sa nasabing ospital.
At lahat sila ay iisa ang sinasabi na labis na hinagpis at sama ng loob daw ang dinanas nila dahil sa hindi maayos na pagtrato na ginagawa ng ilang mga empleyado doon.
Idinadaing ng mga nagrereklamo na dahil alam ng mga hospital staff na mahirap lang sila at pumunta doon para magpagamot ng libre, ay hindi man lang sila mabigyan ng kahit konting respeto ng mga tao doon.
Madalas daw ay pasinghal kung sumagot at magsalita ang ilang mga hospital staff at kapag mainit ang ulo ay itataboy pa sila sa ibang hospital.
Katulad na lang nangyari noong Linggo ng gabi sa isang matandang pasyenteng babae na nagtungo roon matapos tumaas ang high blood pressure at atakihin ng mild stroke.
Sa halip daw na bigyan ng karampatang paunang lunas, sinalubong daw ang biktima ng mga pasinghal na tanong ng isang hospital staff.
At palibhasa ay medyo patpatin at may ubo pa ng kaunti ang pasyente ay bigla raw nandiri ang staff at inutusan sila na sa San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz magpagamot dahil may tuberculosis daw ang matanda.
Ginawa niya ang rekomendasyon ng hindi man lang isinalang sa x-ray ang matanda at maliban pa doon ay hindi man lang siya nalapatan ng first-aid para sa talagang sakit na ipinunta niya doon.
Ang kaso ng matandang ito ay isa lamang sa mga reklamong palagiang nagaganap daw sa Sta. Ana Hospital.
Kaya naman tinatawagan natin ng pansin si Mayor Erap na bigyang pansin din naman ang kalagayan ng mga pampublikong pagamutan sa lungsod niya.
Ang mabuting health care services kasi ang isa sa magandang legacy na puwede niyang ipagmalaki sa mga taga-Maynila sakaling matapos na ang kanyang termino bilang mayor.
The post MGA PABAYANG MGA TAGA STA. ANA HOSPITAL appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment