KAILAN kaya pagtutuunan ng pansin ng pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority at Land Transportation Franchising & Regulatory Board ang operasyon ng mga taxi sa Subic Bay Freeport.
Ito Ang Totoo: walang metro ang mga taxi sa Subic Freeport kaya ang bayad ng mga pasahero ay depende sa driver kung matino, na marami rin naman o balasubas na marami-rami rin, walang bale kung ang pasahero ay Filipino o dayuhan.
Hindi naman ganoon kalawak ang loob ng Subic Freeport na ang gitnang distrito ng negosyo ay nasa loob lang ng isang kilometro pero ang bayad ay pinakamababa sa P80, usapan lang, walang metro-metro.
Kapag lumayo-layo nang may apat (4) na kilometro ay mahina na ang P250 at kapag minamalas-malas ang pasahero, baka hingian pa ito ng driver ng P500.
Ito Ang Totoo: walang problema sa traffic sa loob ng Freeport dahil maluluwag at maraming kalsada na ginawa at plinano noong ang Freeport ay base nabal pa ng mga Amerikano.
Kahit kulay green na pang pribado ang mga plaka, naniningil ng doble kundi triple o higit pa sa sinisingil sa loob ng Freeport, kapag lumabas sa Olongapo ang mga taxi na ito, na iba-iba ang may-ari at nagsama-sama lang sa grupo para magmukhang lehitimo at organisado.
Mistulang siga talaga ang mga taxi sa Subic Freeport sa sari-saring dahilan, kasama na ang may mga empleyado ng SBMA at opisyal ng gobyerno na nagmamay-ari sa mga ito.
Halimbawa ng pagkabalasubas ng ilan sa mga ito ang karanasan noong linggo ng isang Amerikano na bumaba ng barko sa Alava Pier at nagpahatid sa isang opisina na wala pang dalawang kilometro ang layo at mararating sa loob lamang ng dalawang minuto sa luwag ng daloy ng trapiko.
Halos isang oras iniikot-ikot ang Amerikano ng driver ng taxi na si Louie Breboneria at saka sinisingil ng P1,800.
Kahit kayang magbayad ng naturang pasahero ng P1,800, hindi tama ang ganitong istilo dahil isa itong pandaraya at pamemerhuwisyo sa kapwa.
Mantakin n’yong isang oras ang nasayang sa paikot-ikot lang na ginawa ni Breboneria.
Napapanahon na para pagtuunan ng pansin ng LTFRB at SBMA ang kalagayan ng pampublikong transportasyon sa Subic Freeport para maisaayos ito bago tuluyang lumala. Ito Ang Totoo!
The post KILOS NA LTFRB AT SBMA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment