Ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak, na binubuo ni San Jose, Mahal na Birheng Maria, at NiƱo Jesus, ay ipinagdiriwang sa Linggo na kasunod ng Pasko at nataon iyon ngayong Disyembre 29, 2013.
Habang pinararangalan ng mananampalatayang Katoliko ang Sagrada Familia, pinararangalan din natin ang tradisyunal na pamilyang Pilipino kung saan ang ama ang pinuno, naghahanap-buhay, at tagapagpatupad ng disiplina habang ang ina naman ang takapanatili ng tahanan, responsable sa lahat ng pangangailangan ng mag-anak, tagasulong ng paglagong emosyunal at kagandahang-asal sa mga anak. Tulad ng Sagrada Familia, ang ugnayan ng pamilyang Pilipino ay nakaangkla sa pagmamahal, pagkalinga, at proteksiyon ng isa’t isa.
Ang pangangalaga ng Mahal na Birhen sa musmos na Jesus ay katulad din ng pagaaruga ng Pilipina na ina sa kanyang mga anak sa mga unang taon nito. Ang ina ang unang guro ng bata. Ang mga magulang na Pilipino ang nagtuturo ng kagandahang-asal sa kanilang mga anak. Inuuna nila ang kalidad na edukasyon. Kahit gaano man kahirap ang kanilang danasin, pinapapasok ng mga magulang ang mga anak sa mahuhusay na paaralan kung posible. Pangarap na ng mga magulang ang makita ang kanilang mga anak na lumaki bilang mga propesyunal. Bukod sa mga magulang, may mga institusyon – paaralan, komunidad, at simbahan – ang tumutulong sa mga anak na maging maibigin sa Diyos, nakatuon sa kagandahang-loob, magalang, at produktibong mga mamamayan.
Ang pamilyang Pilipino ay nagkakaisa, matibay, malalapit sa isa’t isa, masaya, matapat, matibay, at positibo. Sama-sama silang nagdarasal, kumakain, nagbibiruan, nagkakantahan, tumatawa, at naninindigan sila para sa isa’t isa. Masaya silang nagkukumustahan lalo na kung gamit ang teknolohiya – sa text, facebook, twitter, o skype. Pinahahalagahan ng mga Pilipino ang bawat miyembro ng kanilang pamilya, pati na rin yaong kanilang mga pinsan, tiyo at tiya lalo na sa espesyal na mga okasyon tulad ng kaarawan, Pasko, Bagong Taon, reunion, piyesta o mga family day. Nananatili ang mga lolo’t lola sa kanilang pamilya na inaaruga naman ng mga bata. Iginagalang ng mga Pilipino ang mga nakatatanda; tinuturuan ang mga bata na magsabi ng “po” at nagmamano sila. Mataas ang antas ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang.
Idalangin natin sa Sagrada Familia, patuloy na protektahan ang bawat pamilyang Pilipino, at biyayaan ang mga ito ng kapayapaan at kasaganahan. Manatili nawa ang matibay na pagmamahalan na nagbibigkis sa mga miyembro ng pamilya, pati na rin ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Banal na Pamilya ni Jesus, Maria, at Jose, itinataas namin ang lahat ng pamilyang Pilipino. PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS! MABUHAY!
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment