Tuesday, December 3, 2013

Toll fee hike, dedesisyunan sa 2014

Ni Kris Bayos


Hindi magtataas ng toll fee hanggang matapos ang taon, ngunit dapat na asahan ng mga dumadaan sa expressway ang toll fee hike dahil na rin sa mga nakabimbing petisyon sa Toll Regulatory Board (TRB) sa nakalipas na dalawang taon.



Ayon kay Department of Transportation and Communications (DoTC) Undersecretary for Legal Atty. Jose Perpetuo Lotilla, reresolbahin ng TRB ang apat sa limang nakabimbin na toll hike petition sa unang quarter ng 2014.


Sinabi ni Lotilla, na alternate chairman ng TRB kapag wala si Secretary Joseph Emilio Abaya, na ang nakabimbing petisyon ay ang para sa pagtataas ng toll rates para sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Cavite Expressway (Cavitex), Southern Tagalog Arterial Road (STAR), North at South Luzon Expressways (NLEx and SLEx).


Nilinaw na apat lang sa limang petisyon ang reresolbahin, tumanggi si Lotilla na pangalanan ang mga petitioner na pahihintulutang magtaas ng toll rates.


Matatandaang batay sa petisyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ipinanukala ang 19 na porsiyento na toll hike, nagtaas ng value-added tax-inclusive rates para sa paggamit ng 90.7 kilometrong SCTEx mula

Tipo hanggang Subic, Clark o Tarlac mula sa P243 ay gagawing P289 para sa class 1 vehicle, mula P543 ay gagawing P648 sa class 2, at P815 ay magiging P972 para sa class 3.


Iminungkahi naman ng PEA Tollways Corporation (PEATC) ng Cavitex ang 17 porsiyentong toll increase sa paggamit sa 6.5 kilometrong Cavitex mula Baclaran hanggang Zapote, nagtaas ng VAT-inclusive rates mula P24 sa P29 (class 1), mula P48 sa P58 (class 2) at mula P72 sa P86 (class 3).


Pitong porsiyentong pagtaas ang petisyon ng STAR Infrastructure Development Corporation (SIDC) para sa STAR Tollways, 11 porsiyentong pagtaas ang nais ng Manila North Tollways para sa North Luzon Expressway (NLEx), habang ibabatay naman sa periodic toll adjustment scheme ang petisyong toll hike ng South Luzon Tollway Corporation (SLTC) para sa South Luzon Expressway (SLEx).


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Toll fee hike, dedesisyunan sa 2014


No comments:

Post a Comment