Sunday, December 1, 2013

NAPOCOR, nasa balag na alanganin

Kakasuhan ng mahigit sa 100 pamilya sa Estancia sa Iloilo ang National Power Corporation (NAPOCOR) kaugnay ng nangyaring oil spill mula sa isang power barge na nasira matapos ang pananalasa ng super typhoon ‘Yolanda’ kamakailan.



Bukod dito, plano rin ng mga residente na mula sa anim na coastal barangay sa bayan naman ng Batad ang magsampa ng kaso laban sa NAPOCOR na anila ay labis na nakaapekto sa kanilang kalusugan at kabuhayan dahil sa nasabing oil spill.


Iniulat na bumulwak ang halos 200,000 litro ng bunker fuel mula sa power barge No. 103 ng NAPOCOR sa Barangay Botongan nang sumadsad ito na dulot ng matinding paghagupit ng bagyong Yolanda sa Viasayas region.


Halos 1,900 pamilya o 4,000 indibidwal ang lumikas na sa nasabing lugar dahil na rin sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) bunsod na rin ng panganib na dulot ng amoy ng naturang langis.


Matatandaan sa lumabas na pag-aaral ng DoH sa lugar, umabot na sa pinakamataas na antas na 16.9 parts per million (ppm) ang lebel ng benzene sa oil spill.


Ayon sa mga eksperto, dapat ay aabot lamang sa 0.5 ppm ang permissible limit ng benzene level ng oil spill upang hindi ito makaapekto sa kalusugan.


Nagbabala rin ang ahensya na masyadong mapanganib sa kalusugan ang pangmatagalang pagkakalantad sa mataas na antas ng benzene dahil pinagmumulan ito ng leukemia habang ang short-term exposure nito ay nagiging sanhi ng pagkaantok, pagkahilo at pagkawala ng ulirat ng sinumang makalalanghap nito.


Nauna nang naglaan ng P87 milyon ang NAPOCOR at Power Sector and Liability Management (PSALM) upang malinis ang nasabing pagtagas ng langis at matanggal ang tangke sa nasabing power barge. – Rommel Tabbad


.. Continue: Balita.net.ph (source)



NAPOCOR, nasa balag na alanganin


No comments:

Post a Comment