NAAWA kami sa producer at mga artista na nag-first day last day sa ibang mga sinehan ang entry nilang pelikula. Ang aming tinutukoy ay ang movie nina Sef Cadayona at Yassi Pressman. Kung bakit kasi naglakas loob na i-produce ng pelikula ang dalawang artistang ito na wala namang box-office appeal. Ni hindi nga masyadong kilala ang dalawang ito, lalo na itong si Yassi na hindi nag-ring sa amin ang pangalan.
Sa isang artista lalo na’t nag-uumpisa pa lamang, kailangan ang publicity upang ito ay makilala man lamang at sumikat din. Hindi komo napanonood sa teleserye ay sapat na. Kailangan din nito ng PRO.
Karamihan kasi sa mga soap opera ay hindi na naglalagay ng credits title ng artista sa opening or sa ending man lamang kaya siguro walang recall sa mga televiewer ang name. Kawawa naman sila. Sa mga namumuno naman ng screening ng mga entry sa mga darating pang film festival, salain namang mabuti ang mga pelikulang ipalalabas kung worth it na panoorin at magugustuhan ng mga fan.
Naalala ko noong mid-90′s, nag-PR din ako sa isang movie outfit. Nag-submit kami ng aming entry sa office ng MMDA, nagbayad kami ng registration fee dahil makapasok man o hindi, babayaran mo talaga. Ang pelikulang entry namin ay hindi napasali sa festival. Paano kasi, walang appeal ang mga artista sa movie going public.
Iyon lang ‘yun.
-0-
NAKUHA sa magandang review ang pelikulang Boy Golden na talaga namang kawili-wiling panoorin. Magaganda raw ang execution ng mga fight scene. Merong drama, may comedy at romance sabi ni Aling Rosenda na napanood na niya ang dalawang action films sa festival.
Una niyang pinanood ang movie ng kanyang one and only favorite actor na si Robin Padilla. Sinundan niya ito ng kay Gov. ER Ejercito na paborito na rin niya at pinahanga raw siya sa galing umarte. Pangatlong araw na ito ng Metro Manila Filmfest at ganun pa rin ang standing ng mga apat na top grosser subalit konti na lang ang lamang ni Eugene Domingo roon sa panlimang puwesto sabi ng isang checker ng sinehan subalit hindi binanggit kung kanino ang pelikulang iyon.
Sabagay, nakauumay na ang acting nitong si Eugene na kung minsan ay nagiging over-acting na. Noong mga nakaraan niyang mga ginawang pelikula ay natatawa kami at natutuwa. Habang lumalaon ay nakasasawa na rin dahil wala kasing bagong ipinapakita. Nakapanghihinayang din kung mawawalis kaagad ang pampitong kulelat na Pedro Calungsod. Dapat panoorin din nila ang istorya niya pero hindi yata type ang ganitong klaseng tema ng pelikula sa mga manonood ng festival. Kailangan siguro’y Holy Week ito maipalabas.
Palagay ko’y may re-showing ito sa darating na Mahal na Araw.
-0-
EH, ano naman daw kung ayaw na ni Angel Locsin kay Phil Younghusband? Meron naman sigurong makikita itong mas maganda kay Angel. Napakaraming babae sa Pilipinas, baka mas higit pa nga ang magiging kapalit niya. Say ng fanatic ng football star na si Phil Younghusband.
Anyway, balitang meron nang bagong nali-link kay Angel Locsin. Isang gobernador na taga-Norte at ang dalawa raw ay nasa ibang bansa at doon nagdiwang ng Kapaskuhan.
-0-
IPINAGMAMALAKI ni Kris Aquino na number one pa rin sa takilya ang pelikulang My Little Bossings starring Ryzza Mae at ang kanyang anak kay James Yap na si Bimby. Pangatlong araw na ito at hindi pa rin natitinag sa puwesto. Nadaragdagan pa nga raw ang kinikita nito sa takilya.
Nakatutuwa naman na tinalo nito ang pelikula ni Vice Ganda na Girl Boy Bakla Tomboy samantalang si Vice ay dati nang box-office queen sa mga nakaraang pelikula nito. Mga bulilit lang pala ang katapat. Hahaha! anong tuwa ni Mesam na sina Aleng Maliit lang ang lumigwak sa kanya.
Sabagay, weder-weder lang ‘yan. Kami rin ay natuwa na mga bata ang nag-number one. Sa trailer pa lang ng pelikula, natutuwa na kami. Namimiligro rin ang pelikula ni Vice sa pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na humahabol din na maging pumangatlo sa top grosser. Lets face it, mainit ang kanilang tambalan at kinikilig ang mga teenager sa kanilang mga idol. Luma na raw ang pagpapatawa ng mataray na bakla. Boom!
Happy New Year to All readers of Remate.
The post Nakauumay na ang acting na minsa’y over-acting! appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment