Saturday, December 28, 2013

HINDI NAMAN DAW DEC. 25

sibol5 TUWING sasapit ang selebrasyon ng Pasko, ang pagdiriwang nating mga Katoliko nang kapanganakan ni Panginoong Hesus, nauungkat din ang debate tungkol sa totoo o hindi raw totoong araw ng pagsilang ng tinaguriang Kristo nating mga Kristiyano.


Sa isang artikulo ni Jaime Licauco sa isang pahayagan, inilahad ng bantog na kolumnista ang sinasabing tunay na kwento kung bakit December 25 ang itinalagang birthday ni Hesus kahit pa walang dokumento sa kasaysayan ang makapagpapatunay na ipinanganak nga si Hesus sa petsang ito.

Ayon kay Ginoong Licauco, ang December 25 daw ay isang selebrasyon ng mga pagano noong unang panahon bago pa man isinilang si Hesus.


Ang pagdiriwang ng Saturnalia ay para sa pagpupugay ng mga pagano sa kanilang pinapanginoon na si Saturn.


Ang nasabing pagdiriwang daw ng Saturnalia ay nagtatapos ng December 25 at dahil popular ang nasabing selebrasyon ay maaaring isinunod ng mga naunang Katoliko sa petsang ito ang pagdiriwang ng Pasko pero hindi naman daw ipinanganak si Hesus ng December 25.


Para sa ibang Katoliko ay offensive ang ganitong paglalahad.


S’yempre marami sa atin ang nag-iisip na hindi iginagalang ng ilan ang araw ng Pasko na itinuturing nating sagrado.


Pero sabi ng isang pari sa isang misa, ang December 25 naman daw ay pagdiriwang din noong unang panahon ng pagtatapos ng mahabang panahon ng kadiliman at umpisa ng panahon ng liwanag.


Kaya kahit hindi niya itinatatwa ang anggulo na tulad ng inilahad ni Licauco, sinasabi ng pari na ang panahon ng pagsilang ni Hesus na para sa mga Katoliko ay Dec. 25 ay isang imbitasyon ng pagpunta sa liwanag galing sa kadiliman, isang kaluwasan.


Anoman ang tunay na petsa ng birthday ni Hesus, ang mahalaga ay ang ating pananampalataya bilang Kristiyano at sa araw ng Pasko na ang petsa para sa atin ay Dec. 25, ay napagtitibay natin ang pananampalatayang ito bilang mga Katoliko.


Maligayang Pasko sa lahat.

Mapasa ating lahat nawa ang biyaya ng Kristong hari sa pagdiriwang ng araw na ito.


The post HINDI NAMAN DAW DEC. 25 appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



HINDI NAMAN DAW DEC. 25


No comments:

Post a Comment