Ni Elena L. Aben
Siyam na mangingisda ang pinaniniwalaang patay na habang ilan pa ang nasugatan makaraan silang tambangan ng mga armadong lalaki sa karagatan ng Zamboanga City noong Pasko, ayon sa awtoridad.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 9, sakay ang mga mangingisda, na pawang miyembro ng tribung Badjao, sa tatlong pump boat na tinatawag na “buti-buti” nang pagbabarilin sila ng mga suspek bandang 10:00 ng gabi noong Disyembre 25 sa karagatan sa tri-boundary ng mga barangay ng Licomo sa Zamboanga City at Tungawan at Payao sa Zamboanga Sibugay, partikular sa likod ng Pandilosan Island.
“As a result, nine fishermen have been reported missing and feared dead,” anang pulisya.
Ang mga nasugatang mangingisda ay nailigtas ng mga opisyal ng Barangay Sangali, Zamboanga City at dinala sa Zamboanga City Medical Center.
Samantala, ibinulgar ng Army Special Forces (SF) Battalion na nakabase sa Tungawan, Zamboanga Sibugay na ilang buwan na ang nakalipas ay naitala ang insidente nang ilang mangingisdang Badjao ang napaulat na pumatay ng ilang masasamang elemento sa karagatan ng Zamboanga City.
Dahil dito, naniniwala ang Army na ang pagkamatay ng siyam na mangingisdang Badjao ay pagganti ng masasamang elemento.
Patuloy ang search, rescue at retrieval operations ng dalawang grupo ng Special Forces Battalion ng Army.
Nag-iimbestiga rin ang Tungawan Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment