Napalitan ng tawanan ang takot na bumalot sa mga residente malapit sa baybaying lugar sa Antique matapos silang mag-panic at magtakbuhan dahil sa hoax tsunami alert, dakong 2:00 ng umaga kahapon.
Sa pag-uunahang makalikas ay marami ang napaulat na nasugatan matapos mangadapa sa pagtatakbuhan patungo sa ligtas na lugar.
Nag-iimbestiga na ang Antique Police Provincial Office (APPO) kung sino ang nasa likod ng hoax tsunami alert.
Sa iisang text message na tinanggap ng mga barangay chairman sa mga bayan ng Culasi, Sebaste at Pandan, lumikha ng takot sa mga residente ang naturang report kaya nag-alsa balutan ang mga ito upang lisanin ang lugar sa takot na rumagasa ang tsunami.
Kinumpirma ni Barangay Kagawad Glenn Tumaca, na nag-mistulang ghost town ang mga nasabing bayan dahil sa nangyaring tsunami scare.
Naalimpungatan at pupungas-pungas ang mga residente na nagsilikas patungo sa bundok kasunod ng kumalat na ulat na magkakaroon ng tsunami kahapon ng madaling araw.
Kaugnay nito, ipinayo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga text message at tanging ang mga ahensiya lang ng gobyerno, gaya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang puwedeng magbigay ng katulad na report at magpalabas ng alert.
Itinanggi naman ng Phivolcs na nagpalabas ang ahensiya ng tsunami alert sa mga baybayin ng Antique dahil wala namang naitalang lindol.
Naniniwala ang mga awtoridad na ang reaksiyon ng mga residente ay bunsod ng labis na pinsalang idinulot ng storm surge sa Tacloban City, Leyte, na dulot ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8. – Fer Taboy
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment