MALAMANG na mapurnada ang balak ng ilang may maiitim na budhi na pagkakitaan ang gagawing malawakang rehabilitasyon sa mga rehiyon at lalawigan na lubhang sinalanta ng killer typhoon na si Yolanda.
Ngayon pa lang kasi ay maraming negosyante at kontraktor na ang naglalaway at nag-iisip na pagkakitaan ang gagawing rehabilitasyon dahil sa bilyon-bilyong piso na pondo na inilaan para rito ng pamahalaan.
Pero maraming grupo at kontratista ang nadismaya nang italaga ni Pangulong Noynoy Aquino III bilang rehab czar si dating Sen. Ping Lacson. Alam kasi nila na mahirap kumita kapag si Ping ang namuno sa proyekto dahil mahirap itong kausap at hindi rin marunong sumunod sa mga SOP o iyong standard operating procedure at higit sa lahat ay hindi mahilig sa for the boys.
Kaya naman hindi kataka-taka na kahit hindi pa nakauupo si Ping ay kabi-kabilang batikos na ang inaabot nito at iba’t ibang isyu na agad ang ibinabato sa kanya.
May mga nagsasabi na hindi niya magagampanan nang maayos ang trabaho dahil hindi naman siya inhinyero at iyong iba naman ay tinutuligsa ang kakayanan niya sa pamamahala. Maliban doon ay pinuna rin ng iba ang anila ay political decision sa ginawang pagpili sa kanya ni Noynoy at pilit na ikinakabit sa usapin ng 2016 election.
Sa harap ng lahat ng ito ay masasabi ko na tama ang ginawang pagpili ni Noynoy kay Ping bilang rehab czar.
Sa laki kasi ng salaping gagamitin para matupad ang rehabilitasyon ay nakatitiyak ang taumbayan na sa tamang mga gastusin mapupunta ang pera at hindi sa bulsa ng iilang mga gahamang politiko, negosyante at kontratista.
Hindi naman hiningi ni Ping ang trabaho kay Noynoy kaya walang dahilan para pagdudahan ang kanyang sinseridad at hangaring maisakatuparan ang pagbangon ng mga nalumpong apektadong lugar. Ang alam ko pa ay nangako si Ping na sisiguruhin niya na mapupunta sa maayos ang bawat sentimo na gagastusin sa proyekto, kaya nagbanta siya na papanagutin niya ang sinoman na magtatangkang kumikbak at pagkaperahan ito.
Kilala si Ping sa pagiging seryoso sa trabaho katulad ng ginawa niya sa PNP nang pamunuan niya ito, kaya naman maraming tao ang umaasa na magtatagumpay siya sa kanyang misyon.
Walang makapagsasabi subalit sakaling magtagumpay siya ay malaki ang posibilidad na mismong mga tao na ang magdadala sa kanya sa Malakanyang sa 2016. At iyon ang ayaw mangyari ng marami sa mga kasama niya sa Gabinete!
The post LAGOT SILA KAY PING appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment