INUTIL. Ibig sabihin walang kakayahan. Hindi maaasahan. Walang sariling pagpapasya. Mas naniniwala sa iba kaysa sa sarili. May sapat na kaalaman ngunit takot gamitin dahil baka mali. Sa seafood tulad ng alimango, talangka o hipon – LUNO!
Sa isang bansa katulad ng Pilipinas, ang mamamayan ay hindi totoong mahirap. Ang bansa natin ay nakaupo sa trilyon-trilyong dolyar sa yaman na hatid ni Inang Kalikasan.
Lupa man o batuhan, lalo na ang karagatan, mahihigitan natin ang mga mauunlad na bansa kung hindi inutil ang mga namumuno sa atin.
Ang kahirapan na dinaranas sa ngayon ng mga Filipino ay hindi normal. Ang nagpahirap at patuloy na nagpapahirap sa taumbayan ay ang mga sutil at mga korap na politiko. Hindi maitatanggi iyan katulad ng kaso ni Janet Lim-Napoles sa P10 bilyon na pork barrel scam. Isa lang siya. Marami sila.
Ang huling kalamidad sa Eastern Visayas ay malala. Halos 10 libo na ang patay pero ayaw paabutin sa bilang na yaon ng tao na ayaw mapahiya.
Dagdag sugat pa ang sinabi ng isang opisyal na, “kung hindi makilala ang bangkay, huwag isama sa bilang..” !@#$-%^&*()_+!!!!!!! Kung sino ka man.
Mas masakit pa na sa halip kaagad na tumulong ay nanisi pa at nagalit sa mga lokal na opisyal ng mga lugar na nasalanta. Mga intriga na may katotohanan.
Kung tutuusin, katulad nang nangyari kay dating PNP Region Regional Director Elmer Soria, sa halip na pasalamatan sa kanyang pagtantiya sa mga namatay, kinastigo siya at tinanggal sa puwesto.
Kung hindi kay General Soria, kikilos ba ang mundo para tulungan tayo?
Ang usapin ngayon ay kung papaano ibabangon ang buhay ng mamamayan sa Eastern Visayas. May pondo ang rehimen ni Benigno Simeon Aquino III (BSA3) pero tila see-saw kung hindi man tsubibo ang estilo ng pagpapasya. Sa mga balita, handa na sila sa pamahalaan pero ang inaatupag ay iba sa katotohanan.
Sa laki ng mga kinokolekta ng pamahalaan sa mga buwis, sa mga remittance ng Overseas Filipino Worker (OFW) at sa laki ng sinasabing natipid ng rehimen, sapat na sapat dapat ito. Kaya lang, nanakaw na ang malaking bahagi ng pondo! Tama?
Isang problema pa ay ang kawalan ng sentido komon ng mga namamahala sa bansa. Maano ba na tapikin nila ang pribadong sektor sa rekonstraksyon at rehabilitasyon sa mga lugar na nawasak ng bagyo, lindol at iba pang kalamidad. Nahihiya ba kayo na masabihang kapos sa kaalaman?
Hindi nakahihiya ang humingi ng tulong sa oras ng pangangailangan. Hindi nakahihiya na sabihing hindi ninyo kaya. Mas nakahihiya na puro kayo porma at dada na wala namang nagagawa. INUTIL ang tawag diyan!
The post INUTIL appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment