Sinulat at mga larawang kuha ni LIEZLE BASA IÑIGO
KAKAIBA ang sayang handog ng pamahalaang probinsiya ng La Union sa Christmas Village na kanilang inilunsad sa San Fernando City. Ang Christmas Village ay pinagliwanag ng iba’t ibang kulay ng mga ilaw at punumpuno ng mga bilihin na produkto ng Region 1 na buong kasiyahan namang nagustuhan ng mga mamamayan.
Binuksan ang Christmas Village nitong Nobyembre 29, ganap na alas 6:00 ng gabi sa pangunguna ni Gov. Manuel Ortega kasama ang iba pang mga opisyales ng La Union. Ang ribbon-cutting ay sinundan ng maigsing panananalita ni Gov. Ortega at ng kanyang asawa na si Madame Geradine Ortega at ng ceremonial lighting.
Dinagsa agad ng mga tao ang lugar na nagmistulang nasa ibang bansa sa sobrang liwanag at kaya labis ang kasiyahan ng publiko. Hindi lamang para sa mayayaman na namimili kundi maging sa mahihirap na binigyan ng pagkakataon makasakay ng libre sa carousel at nakapanuod ng ilang entertainment shows ng magicians, clowns at ng mala-anghel na tinig ng choir ng Saint Louis College Center for Culture and Arts.
Inihayag ng maybahay ni Gov. Ortega na layunin ng Christmas Village na mapasaya ang mga taga-La Union at ganoon din ang mga turista na mahilig lumabas sa gabi.
Nakadagdag sa kasiyahan ng publiko ang Christmas Village at agad naramdamang ang diwa ng Pasko, kaya sa kabila ng krisis na nararanasan ng bansa ay ramdam pa rin sa mga tao ang pagmamahalan at pagpapalitan ng ngiti kapag nagkakasalubong.
Sa kabila ng kahirapan ay nananatili pa rin ang pagngiti ng mga tao dahil sa simpleng mga tanawin sa Christmas Village. Mayaman o mahirap ay may stalls na mapupuntahan para makabili ng abot-kayang bilihin. Hindi lamang kasi negosyo sadya ng paglalagay ng Christmas Village kundi ang muling mapamayani ang diwa ng Kapaskuhan.
Tatagal hanggang Disyembre 31 ang Christmas Village at bukas ito simula alas -7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng hatinggabi. Bukod sa mga palabas, makabibili ng masasarap na pagkain na hindi lang gawa o lutong La Union kundi ng buong Region 1, tulad ng bagnet, puto, atbp., mga gamit sa bahay, at mayroon ding mga imported na damit na presyong Divisoria, bags, lamp craft, at marami pang souvenir items.
Sa pagdagsa ng mga tao ay hindi rin kinalimutan na alalahanin ang mga kapatid sa Visayas na sinalanta ng bagyong Yolanda kaya patuuloy pa rin ang kanilang pagsuporta sa inilunsad na La Union Cares. Layunin nito na matulungan ang mga binagyo sa Kabisayaan sa kaunting ambag ng mga dumarayo sa pamamagitan ng pagbili ng souvenir t-shirt na may nakaimprentang La Union Cares sa stalls sa loob ng Christmas Village.
Sulit na sulit ang pamamasyal dahil mula sa pagpasok hangang sa pag-uwi ay bitbit mo na ang ngiti sa bawat masasalubong at matatanaw, ang tunay na diwa ng Pasko – sama-sama, nagmamahalan at nagkakaisa.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment