Ni Mary Ann Santiago
Maging si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay hindi rin nakaligtas sa mga tiwaling indibidwal na gumagamit ng mga pangalan ng mga kilalang personalidad upang makapanloko ng kapwa at makahingi ng salapi.
Kaugnay nito, binalaan ni Tagle ang publiko laban sa mga nadiskubre nitong pekeng social networking sites na gumagamit ng kanyang pangalan para makakalap ng salapi.
Nanawagan din si Tagle sa publiko na huwag tangkilikin ang mga naturang pekeng site at balewalain na lamang ang anumang uri ng solicitation na mula sa kanila.
“I just discovered that a lot of Facebook accounts bearing my name have been created by people I do not know. Some of those accounts are even being used to solicit money from people,” pahayag ni Tagle.
Ayon sa isang artikulong nakapaskil sa website ng Manila Archdiocese na www.rcam.org, sa kasalukuyan ay mayroong anim na Facebook pages na gumagamit ng pangalan ng Cardinal.
Kabilang umano rito ang “Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle, D.D., STD,” “BishopLuis Antonio G. Tagle,” “Bishop-luis Antonio Tagle,” “BishopLuis Antoniogtagle,” “Luis Antonio Cardinal Gokim Tagle,” at “Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle.”
Nilinaw rin ng archdiocese na ang tunay at opisyal na account ni Tagle sa Facebook page ay “Bishop Luis Antonio G. Tagle” na mayroon nang mahigit na 362,000+ likes hanggang noong Nobyembre 26, at minamantine ng Jesuit Communications.
“Whoever is behind this scheme, I am hoping that your conscience will haunt you and make you feel guilty,” sinabi pa ng Cardinal. “To begin with, that is not even your own identity to use.”
Hinikayat rin ng Cardinal ang mga netizen na maging maingat sa paggamit ng mga social networking site.
Iginiit niya na dapat silang maging mapagmatyag upang maprotektahan ang mga sarili laban sa mga pang-aabuso na ginagawa ng mga taong sangkot sa money swindling at iba pang masasamang paraan.
“There are people who immediately give donations upon seeing that the request was made under my name. I urge you to confirm first the validity of those solicitations by calling the appropriate office,” dagdag pa ni Tagle.
“You should not believe everything that you see in the social media.”
Umapela rin si Tagle sa mga user ng social media na gamitin ang modernong teknolohiya para makatulong sa pag-unlad ng bansa, sa halip na gamitin ito sa sariling interes lamang.
Maaari umanong gamitin ang social media para sa evangelization ng mabuting balita ng Kaligtasan.
“Let the social media be an experience of the truth and justice of God and not the dishonesty of the world,” pagtatapos pa ng Cardinal.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment