HANGGA’T hindi naibabalik ang tiwala ng bayan sa kakayahan ng pamahalaan na ipatupad ang batas nang walang pagkiling, hangga’t hindi inuusig ang mga nagwawalanghiyang makapangyarihan sa lipunan at hangga’t hindi nasusupil ang katiwalian sa mga institusyon ng pamahalaan ay patuloy tayong malulugmok sa kaguluhan.
Maraming inosente pa ang mabibiktima habang lumalaganap ang batas ng kagubatan.
Kailangan ng bagong siste upang mabago ang malagim na maaari nating harapin.
Nakalulungkot na ang ating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay hindi nararamdaman ang pangangailangang kumilos at baguhin ang siste. Hindi niya pinapansin ang kasulatan sa pader. Siya ay patuloy na nabubuhay sa kanyang daigdig na malayo sa katotohanang hinaharap ng mga tulad natin.
Hindi niya pansin na karamihan sa mga tumatangan ng poder ay hindi na pinagkakatiwalaan ng bayan. Para siyang si Emperador Nero ng Roma na habang nasusunog ang nasabing lungsod ay tumutugtog pa ng lira imbes na sawatain ang kumakalat na apoy.
Imbes na kumilos at usigin ang mga sinasabing nagmamalabis sa poder, maging kakampi man niya ang mga ito o hindi, at imbes na iangat ang kabuhayan ng lahat ay wala siyang inaatupag kundi ang makipagsisihan sa kanyang dating guro na si Gloria Macapagal-Arroyo. Minsan ay ibig ko nang maniwala na ang ibig sabihin ng B.S. sa kanyang initial ay Boy Sisi.
* * *
Nakalulungkot sa isang banda na ang napagtuunan ng pansin sa kaguluhan na naganap sa isang lagusan ng Dasmariñas Village sa Lungsod ng Makati ay ang asal ng batang mayor nito na si Jejomar Erwin Binay, Jr. sa mga sekyu nang nasabing eksklusibong subdibisyon.
Wala akong napansin na sumilip sa mga pahayagan sa iskandalosong pagkakaroon ng mga eksklusibong subdibisyon tulad ng Dasmariñas. Dangan kasi ito ay malinaw na simbolo ng pagkakahati ng ating lipunan sa mga maiimpluwensya’t masalapi kumpara sa mga tulad natin na walang-wala.
Ewan ko kung natatandaan pa ninyo na habang nagkakabuhol-buhol noon ang trapik sa EDSA ay ibig sanang pabuksan ang Dasmariñas ng pamahalaan upang mabawasan ang sikip sa daloy ng sasakyan.
Pero masigasig na tinutulan ng mga taga-subdibisyong ito. Bakit nga naman ipagagamit sa mga maglulupa ang kanilang eksklusibong lagusan?
Pakiramdam nila nasa ibang bansa sila. Hari-hari ang tingin nila sa sarili nila.
Ang ganitong asal ng mga
taga-Dasmariñas ay minamana ng karamihan sa kanilang mga sekyu na kung umasal ay akala mo kung sino na rin. Ang nangyaring girian kamakailan sa lugar na iyon ay isang insidenteng matagal ko nang inaasahan.
Darating at darating ang pagkakataon na makatatapat din ng mas siga ang mga sekyu at mga residente ng subdibisyong iyan.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, Barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa infinity_resort@yahoo.com para sa karagdagang impormasyon.
The post BATAS NG KAGUBATAN (2) appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment