BUMALIK sa Bantay OCW sa Inquirer Radio si Gina Octubre, maybahay ng OFW sa Dubai, United Arab Emirates, upang humingi ng karagdagang tulong.
Matatandaang umiiyak itong lumapit noong Abril 2013 para sa asawang ‘di tiyak ang kalagayan at kinaroroonan sa ibayong-dagat.
Inaasahan kasi ng kanilang pamilya na pauwi na ito noon pang 2009 subalit nakalipas na ang halos limang taon, hindi pa rin umuuwi ang OFW tulad ng kanyang naipangako.
Matapos mai-report ang kasong ito, nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa mga kinauukulan at sa OFW mismo, kung kaya’t muling nagkaroon ng komunikasyon si Gina sa kanyang asawa na naroroon nga sa UAE.
Kusa nang nakipag-ugnayan si mister kay misis at muling nagpadala ng buwanang suporta sa pamilya. Ngunit matapos ang ilang buwan, nagbalik si Gina.
Huling nag-usap ang mag-asawa noong Oktubre 25, 2013. Hindi na sapat at hindi na rin regular ang pinadadalang pinansyal na suporta ng OFW para sa kanilang tatlong menor-de-edad na mga anak na 13, 15 at 17-anyos.
Sa katunayan, huminto na sa pag-aaral sa kolehiyo ang panganay at napilitan na lamang magtrabaho upang matulungan ang inang pilit na binubuhay ang mga anak.
Ayon nga kay Gina, kahit anong mapagkakakitaang negosyo, pinapasok na niya para maitawid lamang ang pang araw-araw na mga gastusin ng kanilang pamilya.
Minsan nga, wala na rin siyang nagagawa kung wala nang maipambaon sa eskuwela ang dalawa niyang mga anak.
Tinitiis na rin niya kahit nagugutom pa ang mga bata.
Bakit nga ba hindi sumasapat ang kita ni mister sa Dubai? Bakit si Gina pa rin ang kumakayod nang husto gayong nasa abroad naman ang asawa nito?
Ayon kay Gina, baon sa utang sa credit card ang asawa at maging sa kapatid ng mister niya, nangungutang ‘anya ito upang may maipambayad at maiwasang kaharapin ang anomang kasong maaaring maisampa laban sa kanya.
Ngunit, hindi naman umaamin ang mister, ang lakas ng kutob niyang may iba nang pinagkakaabalahan ang asawa at may iba nang pamilya ito sa Dubai. Kaya natitiis nitong hindi makita ang mga anak ng kahit gaano katagal.
Pinagawa namin si Gina ng buwanang gastusin ng pamilya upang iyon ang magsilbing basehan ng Bantay OCW sa muli naming pakikipag-usap sa kanyang mister.
Sinubukan namin siyang tawagan ng ilang beses, ngunit hindi namin siya na-contact.
Ipinaliwanag din natin kay Gina na kung sakaling baon nga sa utang sa credit card si mister, malaki ang kahaharapin nitong kaso sa Dubai dahil kinakasuhan doon ang sinomang nagpapabaya sa kanilang obligasyon na may kinalaman sa pagkakautang.
At magiging dahilan iyon para hindi siya makauwi ng bansa.
Kaya nangungutang ito sa kanyang kapatid upang makauwi na sa Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan din ang Bantay OCW sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration upang malaman ang estado ng kanyang hiniling na scholarship program para sa kanilang mga anak.
Pinayuhan din natin si Gina na pakuhanin din ng
Technical-Vocational courses sa TESDA ito upang maging skilled worker na magagamit niya sa kanyang pagtatrabaho sa hinaharap.
Pinayuhan natin siyang maging praktikal dahil sa kalagayan nila ngayon. Kung ano ang mas mabilis na pagkakakitaan, iyon na muna ang dapat ipakuha sa kanilang anak, dahil makatutulong na muna ito sa paghahanapbuhay habang nagpapabaya naman si mister sa kanyang obligasyon sa pamilya.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am.
Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
Helplines: 0927.649.9870/ 0920.968.4700
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
The post NAG-ABROAD SI MISTER, SI MISIS PA RIN ANG KUMAKAYOD appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment