Ni Leonel Abasola
Pabor si Senator Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng hiwalay na ahensiya na tututok sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng kalamidad sa bansa.
Ayon kay Marcos, mainam na isang ahensiya ang nakatuon sa rehabilitasyon sa mga nasalantang lugar upang maiwasan ang sisihan sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno.
Kasabay nito, hinimok naman ni Sen. Francis Escudero ang ilang mambabatas at kritiko na basahin muna ang panukalang budget sa susunod na taon bago magbigay ng mga komento.
“Sana basahin muna nila kung ano ang laman (ng panukalang budget) bago mamuna,” sabi ni Escudero.
May ilan kasi na nagsasabi na ang 2014 national budget ay nakalaan lang sa mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’, at wala para sa ibang kalamidad, tulad ng nangyaring kaguluhan sa Zamboanga City noong Setyembre.
Ipinaliwanag ni Escudero na may mga itinakda nang halaga para sa mga biktima ng bagyo sa Visayas, lindol sa Bohol at maging ng kaguluhan sa Zamboanga City sa inamyendahang budget.
Ipinaliwanag naman ni Marcos na kung iisang ahensiya lang ang mangangasiwa nito ay mas magiging epektibo ito sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-rehabilitasyon.
Aniya, ang gagawin na lang ng national government ay tiyakin na maibibigay ang kaukulang serbisyo sa ilalim na rin ng bagong ahensiyang itatatag.
Una nang ipinanukala ni Sen. Grace Poe ang pagtatatag ng bagong ahensiya bunsod ng sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa, na nakita ng publiko ang kawalan ng sistema ng ilang ahensiya ng gobyerno sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment