Sunday, December 1, 2013

ANG UNANG LINGGO NG ADBIYENTO


Ang Unang Linggo ng Adbiyento ay ang pagsisimula ng bagong tayon para sa Simbahang Katoliko. Itinalaga ng Simbahan ang panahon ng Adbiyento bilang preparasyon sa pagdating ni Jesus na nangyari mahigit 2,000 taon na ang nakararaan ang Kanyang pagbabalik sa wakas ng daigdig.



Ang salitang “Adbiyento” ay nag-ugat sa Latin na adventus na nangangahulugan ng “pagdating”. Ang adventus ay salin mula sa salitang Greek na parousia, na karaniwang iniuugnay sa pangalawang pagdating ni Jesus. Ang moda ng Simbahan sa panahon ng Adbiyento ay nakaankla sa masayang pananabik.


Ang panahon ng Adbiyento ay masiglang preparasyon sa pagbabalik ni Jesus – isang kaganapang hindi natin alam kung kailan. Ito ay may apat na linggong pagtitika ng ating relasyon sa Diyos, sa ating kapwa, at sa ating sarili. Ang pinakapopular na tradisyon ay ang paglalagay ng ng Advent garland sa mga Simbahan.


Ang Advent garland ay binubuo ng isang binilog na mga sanga at dahong luntian. Ang bilog ay sumisimbolo sa Diyos na walang simula at walang wakas, at ang luntian sa tuluy-tuloy na buhay. Apat na kandila ang nakatirik sa bilog – kulay lila ang tatlo at pink ang isa pa, na kumakatawan sa apat na linggo ng Adbiyento.


Ang mga kandilang lila ay kumakatawan sa panalangin, pagsisisi, at pagsasakripisyo sa panahong ito. Ang kandilang pink, na sinisindihan sa pangatlong Linggo ay kumakatawan sa ligaya at kagalakan.


Sa ating pagdiriwang ng Unang Linggo ng Adbiyento, ituon natin ang ating atensiyon kay Jesus na darating bilang Hukom. Lagi nawa tayong umasa sa Kanyang awa at pag-ibig at ihanda ang ating sarili nang sa gayon sa Kanyang pagdating, matatagpuan Niya tayong handang tanggapin Siya sa ating puso. Tiyakin nawa natin na ang panahong ito ng Adbiyento ay mabunga at tigib ng biyaya kung kaya dapat nating suriin ang ating konsiyensiya, mangumpisal, at sa pagtulong sa kapwa. Dumating nawa ang Kanyang kaharian sa ating buhay. Ang Kanyang kalooban nawa ang laging masunod. Pagpalain nawa tayo ng Diyos!


.. Continue: Balita.net.ph (source)



ANG UNANG LINGGO NG ADBIYENTO


No comments:

Post a Comment