ANG Master Showman na si Kuya Germs ang nanguna sa inauguration kamakailan ng Walk Of Fame na nasa paligid ng GMA Network Compound.
Makikita rito ang mga pangalan ng mga artista at iba pang personalidad na masasabing certified Kapuso.
Ito ay inspired sa Walk Of Fame na sinimulan ni Kuya Germs sa Metro Walk sa Libis, Quezon City. Naging guest of honor sina Senator Tito Sotto, Quezon City Mayor Herbert Bautista, at Manila Vice Mayor Isko Moreno.
Naroon din ang ilang Kapuso Stars at mga news personalities ng GMA pero ‘yong pinakamalalaking artista ng nasabing network gaya nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ay hindi nakadalo.
“It doesn’t mean na… winalang-bahala no’ng iba. Hindi,” ani Kuya Germs. “May mga reason kung bakit ‘yong iba, wala rito. Na… merong mga prior commitments o mga schedule ng trabaho ‘yong iba.”
Bukod sa pagpapalawak ng Walk Of Fame sa maraming panig ng Quezon City, may isa pa raw na gusto siyang ma-achieve para sa industriya.
“’Yong OPM (Organisasyon Ng Mga Pilipinong Mang-Aawit) people, sinasabi ko nga kay Ogie (Alcasid, President ng OPM) na… tutal binigyan siya ng katungkulan ni Presidente Noynoy, e, ipaglaban nila na magkaroon sila ng OPM Theater.
“Para ‘yong mga members ng OPM, magkaroon sila ng place na doon sila magpe-perform. And then, doon magbibenta ng mga CD na original.
“’Yong parang place nila talaga na makapanonood ang ating mga kapwa Pilipino ng ating mga members ng OPM.
“So katulad ng aking pinupursigi, ang Metropolitan Theater, kailangan na ma-revive o ma-restore.”
‘Di ba pinangunahan na niya rati ang adhikain para ma-restore ito?
“Walang nagsusuporta, e. Si Gloria Macapagal-Arroyo no’ng Presidente siya, nagkaroon siya ng one hundred million pesos at ipinaayos ang Metropolitan Theater.
“Naayos naman. Pinabayaan lamang.
“Oo. Kung nagtuloy-tuloy na sana ‘yon.
“E, natapos ang term ni Gloria, ito namang nakaupo ngayon… dapat, e, naaasikaso nga. ‘Di ba?
“Dahil landmark ‘yan ng ating bansa, e. So sana, magkaroon ng puso sa kultura.”
No’ng naging president siya ng Actor’s Guild, pinangarap din daw niya na magkaroon sana ng club House ang nasabing samahan ng mga artistang Pilipino.
“Ang pondo wala naman,” nailing na lang niyang sambit.
“Pero nakalikom ako ng three million pesos nang iniwanan ko ang pagiging presidente nito. E… walang nangyari na.
“Si Rez Cortez yata ngayon ang presidente ng Actor’s Guild. E… hindi rin naman madali ang mamuno ng ganitong samahan.
“Sa MOWELFUND nga, may nasimulan na akong Paradise Of The Stars roon. Tinatawagan ko nga ‘yong mga artista, nananawagan ako sa mga artista… sana naman mag-cooperate sila.”
Hiling daw niya sa mga artista na sila na sana ang magpagawa ng mga lifesize photo nila na may stand bilang kontriobusyon para sa Paradise Of the Stars na naroon sa compound ng MOWELFUND.
“Para ro’n sa mga batang nagtu-tour doon. Na nakikita nila iyon doon.
“Hindi natin kaya ang rebulto. Kaya iyon na lamang na sana water-proof.
“Si Daniel Padilla, nagbigay na. At saka si Carla Abellana.
“Nanawagan na rin ako sa ABS. Na sana naman ‘yong mga artista rin nila.”
Hindi itinatanggi ni Kuya Germs na may tampo siya hinggil sa pagkakabinbin ng adhikain niyang pormal na maideklarang City Of Stars ang Quezon City.
“’Yong merong ‘Welcome To Quezon City: The City Of Stars’. ‘Yon sana ang pinapangarap ko.
“E… ‘yong mayor (Herbert Bautista) natin ngayon, e, showbiz personality, ‘di ba? Nalagay naman ang pangalan niya sa Eastwood.
“Sana inaprubahan na niya na ma-implement ito. Ang kulang na lang ay ‘yong implementation.
“Dahil hindi ko makita ang logic na… anong diperensya? Naaprubahan na ng mga city councilors, pagkatapos ay ‘yong implementation ang kulang.”
Nakapag-usap na ba sila ni Mayor Herbert tungkol sa tampo o hinaing niyang ito?
“Oo. Ilang beses ko nang sinasabi sa kanya iyon, e.
“Kaya nakakaramdam ako ng tampo. E…showbiz siya, e.”
Hindi kaya para magkaroon ng implementasyon para rito ay kailangan munang maging bahagi siya ng konseho ng Quezon City? Na… kailangan siguro, maging konsehal siya ng lungsod?
“Hindi naman kailangan, e. Para gumawa ka ng isang magandang bagay, kailangtan pa bang magkandidato ka at kumuha ng posisyon?
“E…approved na naman iyon ng mga councilors. So ano pa ang dapat para ma-implement ito, ‘di ba?”
Oo nga naman!
The post Deadma na ang mga artista! appeared first on Remate.
..
Continue: Remate.ph (source)
Deadma na ang mga artista!