Pinasalamatan ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo si ex-Pres. Joseph Estrada dahil sa pagdalaw nito sa kanya sa Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) ilang araw bago mag-Pasko. Hindi kasi binigyan ng furlough para makauwi sa kanyang tahanan si Aleng Maliit kundi binigyan lang ng mahabang oras para makapiling ang pamilya noong Pasko at ngayong Bagong Taon sa ospital.
Hindi napigilan ni GMA na hangaan si Pareng Erap at ibulalas sa media na siya ay “Isang Tunay Lalaki” na dapat gayahin ng kasalukuyang administrasyon. Bakit, tanong sa akin ng isang tsismosong reporter, si PNoy ba ay hindi isang tunay na lalaki? Sabad ng isang ka-jogging, bakit kaya hanggang ngayon ay wala pang nahahanap na ginang ang binatang Pangulo. Tugon ni Tata Berto, itanong mo sa buwan at mga bituin!
Nagmistulang isang Santa Claus ang Supreme Court bago mag-Pasko at ngayong Bagong Taon nang magisyu ng Temporary Restraining Order sa Meralco para itigil ang pagtataas ng singil sa kuryente ng P4.15 per kilowatt hour. Maraming consumers ang nag-Ho, Ho, Ho sa desisyong ito ng SC na minsan ay namantsahan ang imahe sanhi ng kontrobersiyal na paglilitis kay ex- Chief Justice Renato Corona.
Hindi naging Grinch ang Korte Suprema, manapa ay nag-ala Santa Claus kahit si Sen. Pres. Drilon ang nag-Grinch nang hindi siya magbigay ng Christmas bonus sa mga senador gaya ng ginawa noon ni ex-Sen. Pres. Juan Ponce Enrile na labis na ikinagalit ni Sen. Miriam Defensor Santiago dahil siya at tatlong iba pa ay binigyan lang ng katiting na bonus samantalang mahigit P1 milyon ang bonus ng “kinagigiliwan” niyang mga senador. Dito nagsimula ang “paniningasing” ng Tigre ng Senado na hanggang ngayon ay ayaw tantanan si JPE.
Panay ang ubo ni PNoy kapag nagsasalita sa mahahalagang okasyon. Dapat ay sundin ang payo ni DOH Sec. Enrique Ona na tumigil sa paninigarilyo at magbakasyon paminsan-minsan. Kung bilib ako kay Pareng Erap dahil sa pagdalaw kay GMA, bilib din ako kay PNoy dahil sa paggamit niya ng Tagalog o Filipino sa mga okasyon bagamat very fluent siya sa English.
Alam ba ninyong noong Pasko, inatasan ni Pope Francis si Papal Nuncio Archbishop Guiseppe Pinto na magtungo sa Leyte, makitira sa mga biktima ng bagyo, at magmisa roon. Mahal ng Papa ang Pinas at labis niyang dinamdam ang paghagupit ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment