Isa ang patay, isa sugatan habang isa pang kasamahan ang nawawala sa dalawang insidente ng landslide dahil sa patuloy na ulan sa Dinagat Island kahapon ng umaga.
Naganap ang pagguho ng lupa sa Purok 4, Barangay Navarro, Basilisa at Wellex Mining site sa Barangay Malinao, Tubajon, ng nasabing lalawigan.
Narekober ng mga tauhan ng Basilisa Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ang labi ng biktimang si Edgar Gallardo, 47, sa kanyang bahay na natabunan nang gumuhong lupa.
Natutulog pa umano ang biktima ng maganap ang pagguho ng lupa.
Agad naman inilikas ang mga residente naninirahan sa ibaba ng kabundukan at kasalukuyan nakatira sa inilaang evacuation center ng lokal na pamahalaan.
Nagsasagawa naman ng search-and-retrieval operation ang mga tauhan ng Tubajon municipal police station sa nawawalang si Joel Bascon, 55, head security guard ng Wellex Mining Corporation at residente ng Espina Street, Surigao City, habang sugatan naman ang kanyang kasamahang si Cecyl Penaso, 23, ng Barangay Plaridel, Libjo, Dinagat Islands.
Ayon sa pulisya, nagkakape umano sa bunkhouse sina Bascon at Penaso nang gumuho ang nakaimbak na lupa ilang metro ang layo mula sa kanilang kinaroroonan.
Hindi na nakatakbo si Bascon at natabunan ng gumuhong lupa habang nakaligtas naman ngunit sugatan ang dalagang si Penaso matapos itong makatakbo at matabunan sa putikan. – Fer Taboy
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment