PATULOY na dumarami ang mga natatanggap kong reklamo mula sa mga magulang ng mga estudyante na nag-aaral sa ilang malalaki at pribadong unibersidad dito sa National Capital Region (NCR).
Maliban kasi sa walang humpay na pagtataas ng tuition fee ay hindi pa nakukuntento ang mga gahamang operator o may-ari ng mga kolehiyo at unibersidad sa pagpapahirap sa mga magulang ng mga estudyante nila.
Nandiyan ang mga bayarin sa hindi naman mahahalagang school program at activities at isa nga sa naging regular na raket at palabigasan na rin ng mga eskuwelahan ang educational tour na kilala rin sa tawag na field trip.
Tiba –tiba talaga ang mga school administrator sa raket na ito dahil hindi bumababa sa libong piso ng halaga ang binabayaran ng bawat estudyante, depende pa sa kursong kinukuha niya at sa lugar, layo at tagal ng gagawing field trip kuno.
Katulad na lang halimbawa ng nangyari sa anak ng isang kaibigan ko na freshman HRM student na siningilan ng mahigit P10,000 ng paaralan nila para sa three days at two nights na field trip nila sa isang lalawigan sa Ilocos Norte.
Maliwanag na raket ito sapagkat hindi pa naman kailangan ng isang first year student ang ganyan katagal na field trip dahil ni hindi pa nga sila sigurado kung itutuloy ba nila ang kurso nilang iyon o hindi.
Panahon na siguro para kumilos ang CHED at makialam na sa raket na ito ng tertiary schools na sa halip na pagtuturo ang gawin ay nagsisilbi na ring travel and tour agency para lang kumita.
Dagdag pa rito ang hindi na rin mabilang na disgrasya na nagresulta sa pagkasawi ng mga mag-aaral habang nasa kalagitnaan ng educational tour kuno.
* * *
Samantala, gusto ko namang bigyang-pansin ang mabuting ginagawa ni Vice Mayor Kid Peña ng Makati City.
Bilib ako sa kanya dahil tahimik at maayos niyang naisasagawa ang kanyang tungkulin bilang pangalawang ama ng lungsod kahit pa alam ng lahat na hindi niya kapartido ang incumbent mayor na si Jun-Jun Binay.
Patuloy lang si Vice Mayor Peña sa pagtupad sa kanyang mga gawain at ni minsan ay hindi ko siya narinig na nagsalita ng masama laban kay Mayor Binay o kahit sino man na katunggali niya sa pulitika.
Kaya naman ang pagiging simple, palakaibigan at mababang-loob ang siyang dahilan kung bakit mahal na mahal siya ng mga taga-Makati.
The post RAKET SA MGA FIELD TRIP; SIMPLENG VM NG MAKATI appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment