NASASAYANG, kung minsan, ang mga bagay na nariyan na pero dahil lang sa kapabayaan o kapalpakan ng ilan, ay hindi na mapakikinabangan.
Ito Ang Totoo: halimbawa nito ang 45,000 bags ng bigas na in-smuggle mula Vietnam na sinamsam ng Bureau of Customs sa Subic mahigit isang taon na ang nakararaan.
Dahil bigong maibenta nang maayos pabor sa gobyerno, nagpasya ang noo’y hepe ng Customs na si Ruffy Biazon na i-donate ang halos P50 milyong halaga ng bigas sa may 170,000 biktima ng “Category 5” na bagyong Pablo sa Davao Oriental at Compostella Valley noong Disyembre ng 2012.
Hindi naman kumilos ang Dept. of Social Welfare & Development (DSWD) para makuha ang bigas kaya inabutan pa nitong nakaraang buwan ng super typhoon Yolanda na pumatay ng may 10,000 at nakaapekto sa may apat na milyong katao sa Kabisayaan.
Sa mga biktima na ng Yolanda sana ibibigay ang bigas pero sa haba ng panahong nakatengga, nangamoy na ito at ayon sa mga eksperto, hindi na ligtas kainin ng tao.
Kaya ngayon, patuloy na nabubulok sa Subic ang libo-libong tonelada ng bigas habang daan-daang libo ang nagugutom sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Ito Ang Totoo: hindi na dapat palampasin pa ni Pangulong Noynoy Aquino ang patong-patong at sunod-sunod na kapalpakan ng DSWD, partikular ang hepe nitong si Dinky Soliman.
Kung walang delicadeza si Soliman na kusang mag-resign sa harap ng pagdurusang inaabot ng marami bunga ng kanyang kapalpakan, dapat sipain na siya ni Pangulong Aquino, kung talagang Tuwid na Daan ang direksyon ng kanyang panunungkulan.
Ito Ang Totoo!
The post P50-M BIGAS, NABULOK SA KAPALPAKAN NG DSWD appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment