Wednesday, December 4, 2013

Oil spill sa Estancia, ‘di pa nililinis

Ni Tara Yap


ILOILO CITY – Dismayado si Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. sa kawalan aniya ng aktuwal na malawakang clean-up operation upang maibsan ang mga panganib sa kalusugan at sa kalikasan ng tumagas na langis sa Estancia, Iloilo.


“They have to act fast and we have to protect our people,” sabi ni Defensor.



Nasa 5,000 nasalanta ng super bagyong ‘Yolanda’ ang patuloy na nakalantad sa panganib matapos na sumadsad ang power barge ng National Power Corp. (Napocor) sa baybayin ng Estancia, na nagbunsod upang tumagas ang langis nito.


Batay sa ulat nitong Martes, hindi pa nasisimulan ng contractor na Kuan Yu Global Technologies, Inc. ang paglilinis sa oil spill, kabilang ang pagsipsip sa natitirang bunker fuel sa loob ng nasirang power barge.


Kinumpirma naman ni Commodore Athelo Ybañez, commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-Western Visayas, na lumapad na ang pagtagas ng langis.


Mula sa orihinal na 200,000 litro ng bunker fuel na tumagas sa baybayin ng Estancia, nasa 900,000 litro na ito sa ngayon. Ang power barge ng Napocor ay may kargang 1.4 milyong litro ng petrolyo.


Sinabi ni Defensor na dapat na obligahin ng Napocor at Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM), ang government-owned corporation na may-ari sa nasirang power barge, ang Kuan Yu na simulan na ang paglilinis sa tumagas na langis.


Samantala, nangangailangan pa rin ng ayuda ang pamahalaang panglalawigan ng Iloilo para sa dumaraming evacuees na tumutuloy ngayon sa Northern Iloilo Polytechnic State College (NIPSC)-West Campus. Mga tent ang pansamantalang tinutuluyan ng mga nasalanta.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Oil spill sa Estancia, ‘di pa nililinis


No comments:

Post a Comment