Wednesday, December 18, 2013

Men’s poomsae team sa taekwondo, humablot ng ginto

Ni Angie Oredo


Hinablot ng Philippine men’s poomsae team na binubuo ng magkapatid na Dustin Jacob at Rafael Enrico Mella, kasama si Marvin Gabriel, ang ika-15 gintong medalya ng bansa sa unang araw ng kompetisyon sa taekwondo sa ginaganap na 27th Southeast Asian Games sa Wunna Theikdi Indoor Stadium sa Myanmar.



Nagtipon ang trio nina Mella at Gabriel ng kabuuang 7.992 puntos upang talunin ang kalaban mula sa Indonesia at Thailand na nagtala ng 7.550 puntos upang mainit na simulan ang kampanya ng Pilipinas.


Nagkasya lamang sa pilak si Marvin Gabriel Vidal sa men’s single poomsae sa naimarkang 8.035 puntos kasunod sa nagwaging host na Myanmar na si Zin Han Thaw (8.400). Ikatlo si Minh Le Anh ng Vietnam (7.790).


Nabigo naman ang gold medalist sa World Championships sa age group na sina Ma. Carla Janice Lagman, Rani Ortega at Rinna Babanto na pumangapat lamang sa event sa natipong 7.665 puntos. Nagwagi ang Vietnam (7.90), Thailand (7.785) at Indonesia (7.760).


Samantala, naiuwi ni Grandmaster (GM) John Paul Gomez ang tansong medalya sa International Chess Individual Rapid-Men. Itinabla ni Gomez ang laban kontra kay Singaporean International Master (IM) Go Weiming sa huling round para sa 5.0 puntos sa pitong laro.


Nabigo naman si Barbosa na makasungkit ng medalya sa nasabing event matapos na unang maibulsa ang tansong medalya sa individual Chess 960 Rapid event o mas kilalang Fischer Random Chess.


Nangunguna din ang pares nina Gomez at Barbosa sa “Transfer chess men pair.” Tinalo nina Gomez at Barbosa ang kababayang sina GMs Darwin Laylo at Mark Paragua sa first round kasunod sina IMs Myo Naing at Zaw Oo ng Myanmar at GM Cao Sang at IM Nguyen Duc Hoa ng Vietnam sa ikatlong round.


Nagawa namang putulin ni Fil-American Eric Shawn Cray ang 28-taong pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa 400m

hurdles, Martes ng hapon, upang pilit na papag-alabin ang kampanya ng Pilipinas sa huling tatlong araw ng ginaganap na 27th Southeast Asian Games sa apat na lugar sa Myanmar.


Nagsumite ang Olongapo-born na si Cray ng kabuuang 51.29 segundo upang talunin ang Indonesian na si Andrian Andrian (51.74) at Vietnamese na si Dao Xuan Cuong (51.79) na nagbigay dito ng una niyang gintong medalya sa kada dalawang taong torneo.


Tatlong sunod na napanalunan ng Pilipinas ang nasabing event na itinala nina Jaime Grafillo noong 1981, Renato Unso noong 1983 at si Leopoldo Arnillo noong 1985 bago na lamang nawala sa nakalipas na 28-taon.


May tatlo nang gintong nakubra ang athletics na mula kina Eric Cray, Henry Dagmil at Archand Bagsit at apat na pilak mula kina Arniel Ferrera, Edgardo Alejan, Narcisa Atienza at Mervin Guarte. Mayroon din itong dalawang tanso mula kina Riezel Buenaventura at Eric Panique.


Habang sinusulat ito ay asam naman ng PH riders na mawalis ang dalawang nakatayang ginto sa 160km massed matapos na lima sa anim na siklista ang nakatuntong sa lead pack.


Nakataya sa karera ang individual gold medal at ang team gold medal.


Tinalo ni Carlo Biado si Riyan Setiawan ng Indonesia, 9-6, sa 10-Ball singles upang samahan si Dennis Orcollo sa quarterfinals. Makakasagupa ni Biado si Keng Kwang ng Singapore, 9-1. Binigo naman ni Orcollo si Ahmad Thufiq, 9-5, upang sunod na sagupain si Nitiwat Kanjanasri ng Thailand. Matatandaan na si Nitiwat ang tumalo kay Orcollo, 9-6, sa 9-Ball quarterfinals noong Lunes.


Sisimulan naman ni Iris Ranola at 2-time world champion Rubilen Amit ang kanilang kampanya sa 10-Ball ngayong umaga.


Nagkasya lamang si 12-time national open champion GM Rogelio “Joey” Antonio Jr. sa tanso sa men’s individual blitz chess.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Men’s poomsae team sa taekwondo, humablot ng ginto


No comments:

Post a Comment