Tuesday, December 17, 2013

MALUNGKOT NA PASKO

sibol5 ISANG bus ang nahulog sa skyway nito lang Lunes. Bumagsak sa isa pang sasakyan sa may service road sa ibaba ng skyway.


Labingwalo ang naiulat na namatay.

Kahindik-hindik na aksidente. Hindi akalain na pwedeng mahulog ang isang sasakyan sa skyway, libo-libong motorista ang dumaraan dito araw-araw.


Pero ayon sa eyewitnesses, mabilis daw ang takbo ng bus. Nagulat nga raw ang ilang nakakita dahil biglang nawala sa kalye ang bus dahil nahulog na nga.


Ang kriminal na bus ay ang Don Mariano Transit, ang tinagurian daw sa industriya na pinakamapanganib na bus transport company noong 2011. Ibig sabihin, hindi ito ang unang pagkakataon na nakaaksidente ang Don Mariano Transit.


Ang tanong, bakit hindi nadadala. Araw-araw na lang, nakikita natin sa mga lansangan ang mga bus na kung umasta ay hari ng kalsada. Halos kinukutya nila ang mga awtoridad. Walang pangingimi na labagin ang batas ng kalsada, walang pakundangan na ilagay sa panganib ang mga kasabay na motorista.


Saan nanggagaling ang ganitong attitude ng mga driver ng mga bus na ganito? Wala ba silang takot mamatay? Paano naman ang mga pasahero nila na iniaasa sa kanila ang kaligtasan?


Muli, ay siguradong maiaangat na naman ang isyu tungkol sa mga driver ng bus. Matagal nang naging paksa ang mga krimen sa kalsada na kinasasangkutan nila. Ilang imbestigasyon na rin ang nasimulan pero wala pang malinaw na napagkakasunduan.


Hindi ba noon ay nai-suggest na rin na dapat swelduhan na ang mga bus driver para hindi sila naghahabol ng pasahero na nagiging dahilan ng pagiging reckless nila.


Hindi ba, naipanukala na rin na hindi na dapat dumaan sa mga skyway ang mga bus.

Pero kahit ano pa ang mga batas na gagawin at ipatutupad para sa kaligtasan ng mga pasahero, ang mga paglabag pa rin sa batas ang dahilan ng mga aksidente.


Kaya ang mga awtoridad na naaatasan para walang mga paglabag sa batas ang paulit-ulit na nangyayari ay may kinalaman din sa mga karima-rimarim na krimen. Hamon ito sa pamahalaan, nasyunal at lokal.


Ang lungkot naman ng Pasko ng mga pamilya ng nasawi.


The post MALUNGKOT NA PASKO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



MALUNGKOT NA PASKO


No comments:

Post a Comment