Saturday, December 28, 2013

Mahabang pila sa NAIA Terminal 1, paluluwagin sa bagong sistema

Magpapatupad ang Bureau of Customs (BOC) ng bagong sistema sa mga pasaherong dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 upang makatulong na maibsan ang pagsisikip ng pila sa holiday season.


Sa ilalim ng Customs Memorandum Order No. 15-2013, ang mga pasahero at crew na dumarating sa Terminal 1 ay pipila sa Red at Green Channels para sa clearance.



Ang “Green Channel” ay para sa mga pasaherong “walang idedeklara” na magdadala ng mga kalakal na maaaring ipasok nang libre sa import duties and taxes at hindi sakop sa ipinagbababawal at hinihigpitang importasyon.


Ang mga dumarating na walang anumang dalang kalakal ay gagamit din ng Green Channel.


Ang “Red Channel” ay sumasaklaw sa mga pasahero at crew na may “dalang kalakal na idedeklara” o may mga dalang kalakal na mataas sa ibinibigay na limitasyon ng Customs at may mga dala-dalang ipinagbabawal o kontroladong kalakal.


Ang bagong pamamaraan ay ginawa at nilagdaan ni dating BOC Commissioner Ruffy Biazon, upang gawing simple para sa mga pasahero at mga miyembro ng crew, sa mabilis na clearance at mapabuti ang daloy ng mga pasahero sa loob at labas ng paliparan.


Ang Green at Red Channel One-Stop-Operational Center ang magbabantay upang matiyak ang pagpapatupad sa mga bagong sistema. – Mina Navarro


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Mahabang pila sa NAIA Terminal 1, paluluwagin sa bagong sistema


No comments:

Post a Comment