ITO ang daing ng mga residente ng Malabanan Norte, Candelaria, Quezon dahil sa patuloy na pagbabalewala ng kinauukulan sa kanilang reklamo.
Hanggang ngayon daw kasi, hindi pa inaaksiyunan ni Mayor Bong Maliwanag ang inirereklamo nilang polusyon sa kanilang barangay.
Nakasusulasok, anila, ang baho na nagmumula sa mga toneladang nabubulok na bao at panis na sabaw ng niyog na itinatambak sa kanilang lugar.
Nakapagtataka raw na ayaw kumilos ni Mayor Maliwanag para mahinto ang pagtatapon ng pabrikang Super Star Oil Mill sa Malabanan Norte.
Ayon sa kanila, kasing liwanag ng apelyido ni Mayor Liwanag na binabaluktot ng may-ari ng Star Mill, isang ‘Henry Licup’, ang batas sa kalikasan.
Napakarami na raw nagkasakit, karamihan ay mga bata, dahil ang ginawang tambakan ng basura ng nasabing pabrika ay katabi pa ng eskuwelahan.
Nangangamba sila na baka sa kalaunan ay magdudulot ito ng epidemya na lubhang makaaapekto sa kalusugan ng mga taga-Malabanan Norte.
‘Di nga malayong mangyari na may magbuwis ng buhay kung patuloy na magbibingi-bingihan si mayor sa inirereklamong nasabing polusyon.
Magpa-Pasko pa naman, kaya mahal na punong bayan ng Candelaria, kumilos ka naman. Kapag nagkataon, mabantot ang Pasko ng mga taga-Candelaria.
MAYORA APACIBLE, BINGI?
Dedma si Mayor Apacible sa inirereklamo ng kanyang mga kababayan na mini-casino ni Willy Mendoza sa El Paso cockpit sa Nasugbu, Batangas.
Talamak din ang lotteng ng isang Kon. Dick sa buong bayan na may kinalaman din daw sa human smuggling, kasama ang isang nagngangalang ‘Pagi.’
Ang contact umano ng lahat ng nais magnegosyo ng iligal sa Nasugbu ay isang Oca Macaraeg na nagpapakilalang bata ng mga Apacible.
Isinusumbong ang lahat ng ito kay mayora pero tila bingi raw ang punong-bayan dahil ‘di kumikilos para aksyunan ang problema.
Isa pang miyembro ng Apacible ang sasabak sa darating na eleksyon pero kung ganyan ang ipinakikita ni mayora, baka magalit ang mga taga-Nasugbu.
Imbes na sila’y suportahan, ang kanilang makakalaban ang kikilingan. Tiyak ‘yan!
The post MABANTOT ANG PASKO NG CANDELARIANO appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment