Nakuhang pigilin ng De La Salle University ang kinasadlakang back-to-back losses matapos na magwagi noong Biyernes sa University of the Philippines, 2-1, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 76 men’s football sa Far Eastern University (FEU)- Diliman pitch.
Nagpatuloy naman ang winning run ng University of the East (UE) nang gapiin ang National University, 2-0, para kumulekta ng 9 na puntos habang ipinalasap naman ng defending champion Ateneo ang unang pagkatalo sa University of Santo Tomas, 1-0, para makapasok din sa win column na gaya ng Green Archers.
Dahil sa kanilang panalo, umangat ang Green Archers (1-0-2)at nagkaroon ng tatlong puntos kasama ng Blue Eagles (1-0-1) para sa ikaapat na puwesto.
Ayon kay De La Salle head coach Hans Smit, sisikapin pa rin niyang alamin kung ano ang tunay na kadahilanan ng kanilang hindi magandang panimula ngayong taon.
“All our games, we are dominating 80-20 but we lost. Against UE, we were ahead again. This time, its early goal again (by UP in the second half) and I said here we go again,” ayon kay Smit, labis na nangangapa sa pagkawala ng kanilang ace striker na si Gelo Diamante na hindi makalalaro sa first round matapos dapuan ng dengue.
“La Salle never lost three straight games. We should win this game no matter what. It’s all about pride, if we lost, we will have a hard time,” dagdag pa nito.
Dahil naman sa kanilang pagkatalo, nananatili ang nakaraang season’s runnerup na Maroons bilang nag-iisang koponan na wala pang nakukuhang puntos. Sinimulan ni Chuck Uy ang scoring para sa Green Archers kasunod sa mintis ni Nate Alquiros sa 11th minute, bago naitabla ng Fighting Maroons sa pamamagitan ni Jinggoy Valmayor ang laban sa 1-1 sa goal nito makalipas lamang ang 50 segundo sa pagbubukas ng second half.
Nakabig naman muli ng De La Salle ang pangingibabaw matapos ang goal ni IƱigo Gonzales sa 50th minute.
Makakatabla pa sana ulit ang Fighting Maroons ngunit tumama sa cross bar ang isang attempt ni Valmayor sa 73rd minute.
Samantala, naitala naman ni Fitch Arboleda ang kanyang ikaapat na goal sa season sa 55th minute habang nakagoal din ang rookie na si Ariel Mallen makalipas ang 11 minuto para sa Red Warriors na wala pa ring talo matapos ang tatlong laro.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment