Sunday, December 1, 2013

BETERANO VS BETERANA

BINIRA ni Senate Minority Leader Juan “Johnny” Ponce Enrile si Sen. Miriam Defensor Santiago, ang Tigre ng Senado, noong nakaraang Miyerkules sa kanyang privileged speech upang ipagtanggol ang sarili sa mga banat at akusasyon na siya ang tunay na utak ng P10-billion pork barrel scam at ng Zamboanga siege o pagsalakay ng mga rebeldeng kasapi sa MNLF-Misuari faction na kumitil ng maraming buhay, nanunog ng mga bahay, ari-arian at pumaralisa sa negosyo ng lungsod.



Sa isang punto ng talumpati ni JPE, naging personal ang pahaging niya kay Madam Miriam nang magpasalamat siya dito dahil mismong ang lady senator ang nagsabing siya ay may ASIM pa, pero hindi naman daw siya (JPE) “naaasiman” pa sa mataray na senadora! Well, sa makalawa, si Sen. Santiago naman daw ang magpi-privilege speech para sagutin ang pahayag ng 89-anyos na beteranong senador na ikinatuwa ang pagkakaroon pa ng “asim.” Abangan natin kung anong “maaasim” at maaanghang na salita ang mariring kay Ms. Miriam!


Mula sa matagumpay na pakikipagsagupa ni boxing champ Manny “Pacman” Pacquiao kay American-Mexican boxer Brandon Rios sa Macau na nagbigay-ligaya sa libu-libong biktima ng super typhoon ‘Yolanda’, nasorpresa siya nang ipag-utos ng Bureau of Internal Revenue ang pag-freeze sa kanyang bank deposits. Ang kaso ni Pacman ay tungkol sa hindi niya pagsusumite diumano ng resibo mula sa US Internal Revenue Service (IRS) na nagpapatunay na nagbayad siya ng buwis noong 2009 matapos ang laban kina Ricky Hatton, Oscar dela Hoya, Miguel Cotto. Simple lang ang usaping ito: Isumite niya ang mga papeles na gusto ni BIR commissioner Kim Henares, at presto, tapos ang usapan!


Maging si PNoy ay sinabihan si Pacman na harapin niya ang problema sa buwi sa halip na sumigaw at magsumbong sa media na ito ay isang political harassment. Sa pagkakaalam ng Pangulo, dalawang taon na siyang pinagbigyan ng BIR na tugunin o magsumite ng mga tamang dokumento, pero ang pinagbatayan lang yata ng boxing legend ay ang kopya ng sulat ni Top Rank boss Bob Arum na bayad na ng buwis si Pacquiao. At saka si Manny ay hindi pa ubra sa panguluhan. Sikat lang siya sa boksing. ‘Di ba nang ma-knockout siya ni Marquez, bilang nangawala ang kanyang mga tagahanga?


Walang duda, si Pacquiao ay dangal ng Pilipinas, hindi magnanakaw. Kaya ipakita mo na sa BIR ang resibo na nagbayad ka ng buwis sa Amerika.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



BETERANO VS BETERANA


No comments:

Post a Comment