NAHAHARAP ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang isang ama matapos umanong pukpukin ng martilyo ang kanyang mga anak sa Bgy. Industrial Valley Complex sa Marikina.
Bakas pa sa katawan ni “Jun” ang mga pasa at sugat matapos umano siyang pukpukin ng martilyo ng kanyang ama na kinilalang si “Mario.” Pati ang apat na taong gulang niyang kapatid na babae ay pinukpok din umano ng martilyo sa dibdib.
Sa pahayag ng ina ng mga biktima na si Ginang Esther, alas-9:00 ng Martes ng umaga nang umalis siya pero pagbalik niya kinahapunan, nagulat siya sa sumbong ng panganay na si Jun na sinaktan sila ng ama na aniya’y matagal nang ginagawa nito.
Halos tatlong taon na umanong tinitiis ng mag-iina ang pananakit ng suspek sa tuwing mag-aaway ang mag-asawa na kadalasa’y selos ang dahilan.
Madalas din umanong magwala sa kanilang lugar ang suspek, kaya pati mga kapitbahay ay natatakot sa lalaki.
Hindi na nakayanan ni Esther ang ginawa ng kanyang asawa kaya agad siyang nagsumbong sa barangay at mga pulis. Agad namang dinampot ang suspek at ikinulong. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment