Monday, November 3, 2014

TAGGUTOM ‘DI KAYA, MAY EBOLA PA?

MARAMING Filipino ang nagugutom sa kasalukuyan dahil sa kahirapan bunga ng kawalan ng pagkakakitaan ng mga tao, pagnanakaw ng mga opisyal ng pamahalaan at kawalan ng pakialam ng gobyerno sa kalagayan ng maraming mamamayan.


Natataranta ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa posibleng pag-atake ng “Ebola Virus” sa bansa na inaasahang dadalhin ng overseas Filipino workers (OFW) at dayuhan na makikiisa sa mga parating na pista.


Binabalewala ng pamunuan ni Pangulong Aquino ang kahirapan sapagkat ito ay sakit na nararanasan lang ng mga mahihirap na mamamayan at hindi ng mga katulad niyang mayaman at walang pakialam kung kumakalam ang sikmura ng mga taong tumitingala at nagluklok sa kanila sa puwesto.


Samantalang ang Ebola virus na posibleng tumama rin sa mayayaman na tulad niya at ng kanyang mga alipores ay sobrang kinatatakutan sapagkat wala pa itong gamot.


Sa madaling salita, kahit anong yaman kapag tinamaan ng Ebola virus ay tiyak na kamatayan ang pupuntahan. Dito lamang ang mahihirap na bagaman nagugutom ay may panandaliang gamot sa kumakalam na sikmura kapag kumita ng konting pera.


Nananawagan ang Department of Health sa mga mamamayan na makipagtulungan upang malabanan ang sakit na Ebola. Pero bakit hindi sila nananawagan na labanan ang sakit na gutom at malnutrisyon?


Kasi nga hindi naman sila apektado ng kahirapan na sanhi ng pagkagutom ng maraming Filipino.


Kaya nga tigilan na ng pamahalaan ang pagpapanggap na nagmamalasakit sila sa mga mamamayan.


Taggutom nga ‘di nila kayang sagutan dahil tiyak na ibibigay na dahilan ay kawalan ng pondo, ebola pa kaya ang malabanan nila.


Kung ang mga ibinibili nila ng iba’t ibang gamot (na ghost project) ay ibinibili ng pagkain para sa mga mahihirap, eh, ‘di marami ang gumagaling sa sakit na gutom.


Kapag malakas ang resistensiya ng mga mamamayan ay hindi tatamaan ng anomang sakit agad-agad.


Pangulong Noynoy, unahin mo munang tulungang makapagtrabaho at magkaroon ng tama at maayos na kita ang mahihirap na empleyado at manggagawa bago mo problemahin ang Ebola virus na tiyak namang ang programa sa paglaban sa nasabing sakit ay pagkakakitaan na naman ng magagaling mong alipores. PAKUROT/LEA BOTONES


.. Continue: Remate.ph (source)



TAGGUTOM ‘DI KAYA, MAY EBOLA PA?


No comments:

Post a Comment