Monday, November 3, 2014

DROGA SA SEMENTERYO TALAMAK

SA tuwing sasapit ang Undas ay sinasabing naka-red alert ang Philippine National Police sa anomang kaganapan sa labas at loob ng mga sementeryo lalo na sa Metro Manila kung saan ay narito ang pinakamalaki at pinakamagandang mga libingan.


Ilan sa mga ipinatutupad ng PNP at ng mga administrator ay ang pagbabawal sa pagdadala ng anomang matutulis na bagay, mga gamit sa sugal, alak, sound system at kung ano-ano pa.


Maganda at maayos nilang naipatutupad ito ngunit hindi mo maiiwasan na may ilan tayong mga kababayang pasaway kaya marami pa rin ang nakukumpiska.


At habang abala ang mga pulis at ang mga tauhan ng sementeryo sa pagkumpiska ng mga ipinagbabawal na gamit na dalhin sa loob ay tuwang-tuwa naman ang mga masasamang elemento sa kanilang mga modus operandi sa loob.


Ilan sa naobserbahan ng Lily’s Files noong mga nagdaang Undas ay ang galaw ng droga sa loob ng sementeryo, palibhasa kasi malaya nila itong naipapasok sa loob kaya buhay na buhay ang kanilang negosyo.


Ano nga pala ang ginagawa ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kapag ganitong araw ng Undas, hindi ba nag-iikot sa loob ng sementeryo para i-monitor ang galaw ng droga?


Ang PDEA ang dapat na tumutok sa droga, lalo na sa mga ganitong sitwasyon na abalang-abala ang mga pulis sa pag-aayos sa sitwasyon ng milyon-milyong tao na nagpupunta sa mga sementeryo.


Aminin man o hindi ay alam natin na talamak ang bentahan at gamitan ng shabu sa loob ng mga sementeryo, lalo na kapag ganitong busy ang mga pulis. Kaya dapat naman ay magtulong-tulong ang PDEA at ang PNP.


Ang hirap kasi sa PDEA ay malalaki lang ang hinahanap nila, lalo na sa Metro Manila, kaya ‘yung maliliit ay tuloy-tuloy lang kasi hindi sila napapansin. Katwiran nila, pera-pera lang kapag nahuli ng pulis.


Bukod sa droga ay talamak din ang snatching at pandurukot sa loob ng sementeryo dahil ang mga pulis ay naka-concentrate lang sa may gate, at kung mayroon mang nag-iikot ay bihira lang.


Kaya, sa ating mga kababayan nagpupunta ng sementeryo ay mag-iingat po tayo sa ating mga dala-dala at hangga’t maaari ay iwasan po nating ang magsuot ng mga alahas.


Ingatan din po natin ang mga kasamang bata.


Lagyan sila ng name tag, address o cellphone number sa kanilang mga kamay o braso para makabitiw man sa inyo ay madali silang maipanawagan.


May mga TV at radio station na nakaistambay sa labas ng sementeryo at maaari ninyong ipanawagan ang nawawala ninyong anak o kasama. LILY’S FILES/LILY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



DROGA SA SEMENTERYO TALAMAK


No comments:

Post a Comment