Monday, November 10, 2014

Parak, isa pa, kulong sa karnap

KALABOSO ang dalawang katao kabilang ang isang pulis Pasay nang mabuking ang isinagawa nilang pag-karnap sa isang motorsiklo na nakaparada sa parking area ng condominium makaraang makuhanan sila sa pamamagitan ng video footage gamit ang cellphone sa aktong tinatangay ang motorsiklo sa Pasay City kamakalawa.


Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 6539 o anti-carnapping law ang mga suspek na nakilalang sina P01 Andrew Nicholas Pangan, 27, nakatalaga sa Central Park Police Community Precinct (PCP)-5, ng # 92 Colonel Bravo St., Zone 1, Signal Village, Taguig, at ang kasamahan nitong si Mark Edward Santos, 31, mekaniko, ng #11 Givency St., Simeona Village, Marikina City.


Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Melvin Garcia ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, alas-8 ng gabi nang isagawa ng mga suspek ang pagtangay sa isang bagong Yamaha Mio Sport na nakaparada sa parking area ng ground floor ng Central Park Condominium sa nasabing lungsod.


Sa salaysay ng biktimang si Miguel Vincent Roxas, 22, may asawa, ng 1221 Central Park ng nasabing condominium, ipinarada umano niya ang kanyang bagong Yamaha Mio Sporty motorcycle sa ground floor ng kanyang tinutuluyang condo noon pang Agosto 30 dahil umuwi umano siya ng kanilang probinsya sa Laguna.


Nang bumalik ang biktima sa kanyang condo ay tiningnan agad nito ang kanyang motorsiklo kung saan nadiskubre niyang nawawala na ito.


Agad nagpunta ang biktima sa guard house upang tanungin kung nasaan ang kanyang motorsiklo subalit sinabihan siya ng isang security guard na nakilala lamang sa pangalang “Ruiz” na makipag-ugnayan na lamang ito sa presinto 5 dahil sa sinasabing kinuha ng isang pulis at isang lalaki ang motorsiklo nito.


Sa presinto, nagkasabay pa ang biktima at isang sekyu na nakatalaga sa kanyang tinutuluyang condo na si Gerone Largada, officer-in-charge ng Ex-Bataan Veterance Security Guard Agency, kung saan isinasalaysay nito sa mga nakatalagang pulis ang naganap na pagkuha ng mga suspek sa motorsiklo.


Ayon sa sekyu, itinawag umano sa kanya ng kasamahang security guard na may dalawang lalaki ang kukuha umano ng motorsiklo sa parking area ng naturang condo kaya’t agad niya itong bineripika.


Pinakitaan umano siya ng ID ng suspek at nagpakilala itong pulis habang ang kasamahan nito ay may bitbit na susi at nabuksan pa nito ang naturang motorsiklo ng biktima at ipinakita pa ang mga dokumento na nakalagay sa loob ng compartment nito.


Nang paandarin ng mga suspek ang naturang motorsiklo ay hindi nila alam na kinukuhanan na pala sila ng video ng naturang sekyu gamit ang kanyang cellphone.


Dahil sa nai-rekord ng sekyu kung saan naaktuhan ang pagtangay ng mga suspek sa motorsiklo ng nauna, agad dinisarmahan ni Insp. Jose Mari Jasmin, hepe ng PCP 5, si P01 Pangan.


Kasalukuyang nakakulong sa Pasay City police detention cell ang mga suspek. JAY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



Parak, isa pa, kulong sa karnap


No comments:

Post a Comment