MAKIKIPAGTULUNGAN ang Department of Health (DoH) sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang tanggapan hinggil sa procurement ng Pneumococcal Conjugate Vaccines.
Gayunman, umapela ang DoH sa lahat na ipaubaya na lamang ang isyu sa investigating authorities kasabay nang pagtiyak na hindi nito kukunsintihin ang anomang paglabag sa batas at ipagpapatuloy ang respeto sa ‘Rule of Law.’
Siniguro pa ng DoH na ang kalusugan ng publiko ang kanilang pangunahing prayoridad.
Pagkakalooban rin aniya nila ng kaukulang atensyon ang bawat vaccine-preventable disease dahil ang pagbabakuna ay nakapagliligtas ng buhay.
Nauna rito, inanunsyo ng NBI na iniimbestigahan nila ang pagbili ng DoH ng Pneumoccocal Conjugate Vaccine 10 o PCV 10 noong 2012, sa panahong nakaupo na si Health On-Leave Secretary Enrique Ona.
Ayon sa NBI-Anti Fraud Division, Hunyo ng taong ito nang ikasa nila ang imbestigasyon batay sa reklamong inihain sa Department of Justice (DoJ).
Ang PCV 10 ay isang uri ng bakuna para sa mga bata para sa mga pulmonary diseases gaya ng Pneumonia, Meningitis, Sinusitis at Bronchitis.
Gayunman, hindi umano PCV 10, kundi PCV 13 ang inirekomenda ng World Health Organization (WHO) at ng National Center For Pharmaceutical Access and Management at Formulatory Executive Council na dapat na bilhin dahil ito’y mas mabisa at mas maraming saklaw na karamdamang mapoprotektahan.
Nadiskubre din na ang PCV 13 din ang inaprubahan ng Bids and Awards Committee ng DoH subalit ang iniutos na bilhin ay ang PCV 10.
Nagmula umano ang direktiba sa pagbili ng PCV 10 kay Assistant Secretary Eric Tayag habang nakapag-isyu naman si Ona ng Certificate of Exemption para dito. MARCS BORJA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment