Tuesday, November 25, 2014

Pag-alis sa Pandacan oil depot, ikinatuwa ng CBCP

IKINAGALAK ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang desisyon ng Korte Suprema na tuluyan ng paalisin ang oil depot sa Pandacan, Maynila.


Ayon kay Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), matagal nang ipinaglalaban ng mga taga-Pandacan at maging ng Simbahan na mawala na ang oil depot sa naturang lugar dahil sa panganib na dulot nito sa kapaligiran, sa mamamayan at maging sa kalusugan.


Nasa 80,000 aniya ang mga mamamayan na maaapektuhan ng oil depot sakaling sumabog ito.


Natutuwa rin naman ang obispo dahil sa resulta ng numerong pumabor na mga Mahistrado para tanggalin na ang oil depot.


Umaasa naman si Pabillo na hindi na patatagalin ang pagpapatupad ng kautusan at agad nang mapapaalis ang mga depot ng malalaking kumpanya ng langis.


“Masayang-masaya ako dahil matagal na nating ipinaglalaban ‘yan, 10-2 ang desisyon ng Korte Suprema, marami talaga ang pumapanig sa atin, dapat lang matagal na nating ipinaglalaban hindi lang danger ang oil depot sa may 80,000 tao na nakapalibot diyan, kapag sumabog ‘yan, danger din ‘yan sa health ng mga tao, araw-araw iba talaga ang hangin doon, mabuting dinesisyunan na mganda ang desisyon nagbigay ng time frame, nagbigay ng plano sa paglilipat na sila dapat matupad ‘yan sa ganitiong mga panahon,” pahayag ng Obispo, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.


Kaugnay nito, hinimok rin ni Pabillo ang mga mamamayan na bantayan ang usapin upang magtuloy-tuloy na itong maipatupad dahil mahigit isang dekada na rin itong ipinaglalaban. MACS BORJA


.. Continue: Remate.ph (source)



Pag-alis sa Pandacan oil depot, ikinatuwa ng CBCP


No comments:

Post a Comment