NANALO man sa boksing makaraang bugbugin ang Amerikanong si Chris Algieri sa Cotai Arena sa Macau, China, bugbog-sarado rin ang aabutin ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao…
Bugbog sarado siya sa GASTOS!
***
Dahil sa guaranteed prize na 20-milyong dolyares, kailangang magbayad si Manny sa gobyerno ng Macau ng 10 porsyento mula sa kinita.
Bukod pa rito ang 22-porsyento mula rin sa nasabing kinita na dapat niyang bayaran naman sa pamahalaan ng Pilipinas.
Lahat-lahat, ang kinita ni Pacman sa pakikipaggulpihan kay Algieri ay mababawasan ng hindi bababa sa P320M.
***
Kaya nang makabalik sa bansa si Manny, nakaamoy na agad ng pera ang mga aso sa Bureau of Internal Revenue.
Malinaw na pera na agad ang kanilang matatanggap sa ating aydul sa boksing.
***
Syempre, bukod sa babayarang buwis sa BIR, tiyak na may mga amuyong na nakapaligid na kay Pacman.
Mga amuyong na nakatanghod at naghihintay ng BALATO.
***
Ang sabi nga, habang nakikipagbangasan ng mukha si Pacman sa ibabaw ng parisukat na ring, ang mga fan ay sumisigaw ng “Manny! Manny! Manny!”
Ito raw si Commissioner Kim Henares ng BIR, habang nakikipagkulatahan ng suntok si Manny sa kalaban ay sumisigaw naman ng “Money! Money! Money!”
E, kasi, hindi pa man naidedeklarang winner, deklarado na ring nanalo sa premyo si Manny.
***
Kaya itong si Aling Kim ay tuwang-tuwa.
GARANTISABOG na kasi ang pagkubra ng BIR ng limpak-limpak na kuwarta sa Pambansang Kamao.
“Masaya ako dahil makaka-contribute siya sa ekonomiya ng Pilipinas, hindi naman ho sa akin,” ang sey ni Aling Kim.
***
Wala naman talagang masama kung bawasan ng buwis si Manny ng BIR.
Trabaho ito ng BIR at obligasyon, hindi lang ni Pacman, kundi lahat ng Pinoy na magbigay ng porsyento sa gobyerno sa kinikita.
Ang masama lamang ay kung napupunta sa mga kawatan sa pamahalaan ang ating ibinubuwis.
‘Yun bang ipinadadaan sa proyekto (kuno) at nakikita nating namimilog ang mga tiyan ng mga kawatan at namumutok ang kanilang mga wallet.
Ang sarap pagbubugbugin ng mga ganitong tao sa gobyerno. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment