ISA nang ganap na bagyo ngayon ang low pressure area (LPA) sa karagatan sa silangan ng Mindanao.
Naramdaman kaninang alas-7:00, Miyerkules ng umaga, ang tropical depression na tinawag na bagyong ‘Queenie’ ng PAGASA. Taglay na nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras (kph).
Nakataas ngayon ang public storm warning signal no. 1 sa 20 lugar sa Visayas at Mindanao dahil sa bagyo: Southern Leyte, Bohol, Southern Cebu, Southern Negros Oriental, Southern Negros Occidental, Siquijor, Surigao del Norte kasama ang Siargao Island, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao del Norte, Davao Oriental, Compostella Valley at Dinagat Province.
Kasama rito ang Camiguin, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, at Zamboanga del Norte.
Inaalerto ang mga residente sa mabababa at bulubunduking lugar sa mga lalawigang may babala ng bagyo, maging sa nalalabing bahagi ng Mindanao, sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Inaabisuhan din ang mga mangingisda sa eastern seaboard ng Visayas at Mindanao na huwag munang pumalaot.
Huling namataan ang bagyo sa layong 260 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at gumagalaw pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahang tatawid si ‘Queenie’ sa pagitan ng Visayas at Mindanao at tutumbukin ang Palawan. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment