MARAMING mambabatas ang pinasakit ang ulo ni Sen. Miriam Defensor-Santiago nang ibuking niya na tuloy pa rin ang pamamahagi ng priority development assistance fund na mas kilala sa tawag na pork barrel na isinama sa P2.206-trillion 2015 proposed national budget, sa kabila na una na itong idineklarang iligal ng Supreme Court.
Sa kanyang privilege speech ay sinabi ni Miriam na mapanganib ang ginawang pagpayag ng Kongreso sa gusto ng Palasyo na ituloy ang pork barrel at ganoon din ang Disbursement Acceleration Program na idineklara na ring iligal ng SC noong nakaraang taon.
Gusto kasing palusutin ng Malakanyang ang DAP sa pamamagitan naman ng pagbabago ng depinisyon ng salitang “savings” o sa Tagalog ay natipid na pera ng pamahalaan.
Sinabi ni Miriam na tuloy ang pamamahagi ng pork barrel sa pamamagitan ng ginagawang pagsusumite ng mga mambabatas ng listahan sa mga pinuno ng line agencies, ng mga proyektong gusto nilang gawin sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi niya na naglaan ng P37.3-bilyon para sa mga kagawaran ng public works, health, social welfare, labor at CHED para sa mga hindi idinetalyeng proyekto na tiyak aniyang paghahatian ng mga mambabatas.
Binago na rin aniya ang kahulugan ng savings na kung dati ay hindi pwedeng maideklara kung hindi pa tapos ang taon at hindi rin pwedeng ibigay sa ibang sangay, ngayon ay pwede nang ideklara ng Palasyo kahit anong panahon at pwede ring ilipat din sa ibang sangay.
Kahina-hinala rin ang ipinasok na errata na umaabot sa 269 pahina na binubuo raw ng realignments, insertions at typographical errors na umaabot naman ng P4.7-bilyon.
Noong unang idineklara ng SC na iligal ang PDAF at DAP ay maraming political observer ang nagbiro na wala nang tatakbo bilang senador o ‘di kaya ay kongresista dahil wala na silang delihensya.
Pero marami pa ring mga politiko ang desididong tumakbo at iyon naman pala ay dahil sa alam nilang hindi naman nawala ang DAP at pork barrel, kundi itinago lang ng magagaling nating mga mambabatas.
Nagkaroon pa tuloy sila ngayon ng dahilan na tablahin ang mga tao at grupong lumalapit at humihingi ng tulong sa kanila.
Pero dahil sa ginawa ni Miriam ay buking na ang mga kongresista at senador ngayon at tiyak na dadagsain ulit sila ng mga humihingi ng tulong.
Hehe! Buti nga sa inyo! OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment