ANG paghahanap ng hustisya sa Pilipinas ay matagal nang problema, lalo na kung mayayamang personalidad na kayang lumusot sa lahat ng gusot gamit ang pera at nakagagamit ng impluwensya kahit nakakulong ang sangkot.
Sa 197 orihinal na bilang ng mga akusado sa masaker ng 58 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag limang taon na ang nakalilipas, 110 pa lamang ang naipakukulong sa pangunguna ng angkan ng Ampatuan.
Pinatay sila at inilibing gamit ang backhoe sa utos umano ni noo’y Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr., upang mapigil ang asawa ng karibal sa politika na si Esmael Mangudadatu, na maisumite ang kanyang certificate of candidacy para gobernador ng Maguindanao.
Kahit nakakulong, ang mga Ampatuan ay nakapagtatanim pa rin ng takot sa mga pamilya at kaanak ng mga biktima, na ang iba ay nakadarama ng pagkabigo at pagdududa kung mahahanap pa nila ang hustisya mula nang maganap ang pamamaslang sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Noong isang linggo, dalawang posibleng testigo sa Ampatuan massacre na papunta sa isang pakikipagpulong sa mga taga-usig ng gobyerno ang tinambangan sa bayan ng Shariff Aguak. Nasawi si Dennis Sakal, dating tsuper ni Autonomous Region in Muslim Mindanao ex-Governor Andal Ampatuan, Sr., samantalang nakaligtas ang kasama niyang sakay ng motorsiklo na si Butch Saudagal, kilalang bagman ni Andal Jr.
Sa mata ng mundo na laging sumusubaybay sa kaso ng masaker, ipinakikita ng pananambang na walang saysay ang gobyerno sa pagbibigay ng proteksyon sa mga pwedeng maging testigo sa isang mahalagang kaso, na naglagay sa bansa bilang isa sa pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag.
Ang mga kasapi ng International Federation of Journalists (IFJ) na dumating para bumisita sa memorial site ng masaker noong Biyernes, ay nanawagan sa pamahalaan na umaksyon sa patuloy na mga pag-atake sa ating mga mamamahayag.
Ang pamamaslang sa Maguindanao, na pinakagrabeng karahasang may kaugnayan sa pulitika sa bansa, ay nangyari sa ilalim ng termino ni noo’y President Gloria Macapagal-Arroyo, na nagpanatili umano ng malapit na ugnayan sa makapangyarihang angkan ng Ampatuan upang matiyak na mananalo siya sa kanilang teritoryo sa panahon ng eleksyon.
Gayunman, para sa National Union of Journalists in the Philippines, nanatiling walang humpay ang pagpatay sa mga mamamahayag kahit nasa ilalim na ng administrasyon ni President Noynoy Aquino dahil sa kawalan umano ng pagpapahalaga ng gobyerno sa mga pag-atakeng ito.
Ipinagtanggol ni Justice Maria Lourdes Sereno ang pagtugon ng gobyerno sa mga pamamaslang sa media, kabilang na ang Ampatuan massacre. Isa sa mga problema raw ng korte ay nasa mga arrest warrant, na tungkulin ng pulis na ipatupad, kaya nakikipagtulungan siya ngayon sa Department of Interior and Local Government at Department of Justice.
Si Justice Secretary Leila de Lima ay nananatiling umaasa na may mahahatulan sa kaso ng Ampatuan sa 2016. Pero nagawa pa niyang aminin na ang isang kaso sa Pilipinas ay karaniwang inaabot ng 10 taon para malutas, at sinisi ang mga ligal na proseso sa mga napapansing pagkukulang ng mga humahawak sa kaso.
Kung may mga problema na nakasasagabal sa kaso na batid ng ating mga opisyal, hindi ba nararapat lang na humanap ng mga solusyon – magtalaga ng maraming tagapagsiyasat, hukom at tagausig – at ipakita na may gobyerno tayo na tunay na maaasahan ng mga mamamayan kung paghahanap ng hustisya ang pinag-uusapan?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment