ANO na ang nangyayari sa mga inaasahang tagasangga natin sa sakit na ebola?
Ang Department of Health at Department of National Defense na ang lantarang lumalabag sa protocol o patakaran laban sa pagpasok at pagkalat ng ebola sa bansa.
OSPITAL, HINDI ANTI-EBOLA
Nang dumating ang nalalabing Pinoy peacekeeper galing sa Liberia na sinasalakay ng ebola, hindi sa Caballo Island na itinuring na quarantine area sila dinala kundi sa Armed Forces Medical Center, Quezon City.
Ayon sa mga ulat, kautusan daw ito ng DOH at tumalima lamang ang militar.
Katwiran ng DoH, libre umano ang peacekeeper nang lumipad sila mula sa Liberia at nakaaalangan na dalhin sila sa Caballo Island at ihalo sa mga naka-quarantine na malapit na umanong makatapos nito.
Pero napag-alaman naman natin na hindi pala kabilang ang AFPMC sa mga ospital na nasa listahan ng DOH na pupwedeng pagdalhan ng mga katulad ng mga peacekeeper na dapat isailalim sa quarantine pagdating nila sa bansa.
IPINAHAHAMAK ANG PINAS
Sa pinaggagawa ni Sec. Janette Garin, inuulit natin, ipinahahamak nito ang buong bansa.
Nakapagtataka rin na sumusunod lang sa kanya nang walang kaabog-abog ang pamunuan ng militar.
Sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea, ang pinaka-DOH at militar nila ang pangunahing gumagampan ng istriktong pagsunod sa mga tinatawag na protocol o tamang patakaran upang maiwasan o mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Pero rito sa mahal kong Pinas, ang dalawang sangay na ito ng gobyerno ang nangunguna sa paglabag sa protocol.
PNOY, PAANO SI GARIN
Ano ba ang dapat na gawin ng Malakanyang sa katulad ni Garin?
Inuuna ni Garin ang kanyang pagka-politiko kaysa pagka-doktor ng pamahalaan na dapat manguna sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga mamamayan mula sa anomang sakit, lalo na sa katulad ng ebola na nagiging peste sa maraming tao.
Bilang isang dating kongresman at politiko, kahit may sakit ay kinakamayan, niyayakap at kung ano-ano pa.
Pero lahat ay para makakalap siya ng boto para sa halalan.
Ito ba ang nasa likod ng hindi pagsunod ni Garin sa protocol?
SEC. GARIN PALAYASIN
Para sa atin, ibang usapan ang ebola at kahit kailan ay hindi dapat na haluan ng politika.
Kung hindi na makita ni Garin ang pagkakaiba ng pulitika at kaligtasan ng mga mamamayan mula sa nakamamatay na sakit, mabuti pang magbitiw na lang ito sa tungkulin.
At itong si AFP Chief of Staff Gregorio Capang, Jr., ano naman ang nararapat sa kanya?
Hindi niya ba nakikita na may mali sa mga pinaggagagawa ni Garin?
Ang College of Philippine Surgeons ang isa sa mga aktibong kumikilos laban sa posibleng pagpasok ng ebola sa bansa.
Sa katunayan, inihahanda na nila ang lahat ng mga kasamahan nilang doktor at iba pang medical professional laban sa ebola.
Tumutulong na rin sila sa mahigpit na kampanya sa buong bansa laban sa ebola.
Pero nandito sina Garin at Catapang na walang habas sa paglabag sa protocol.
Anak ng tokwa, paano kung magkatotoo ang pangamba ng mga doktor na ito na maaaring mapasok tayo at kumalat sa Pinas ang ebola sa kagagawan ng dalawang pasaway na opisyal na ito?
FOI BILL
Nakahanda na umano ang House of Representatives o Kamara na paaprubahan ang ginawa ng komite nila na bersyon ng panukala para sa Freedom of Information o FOI.
Nalaman naman nating umatras ang Makabayan Block sa pagiging co-author sa panukala.
Ang dahilan ng Makabayan Block ay baligtad umano ang nilalaman ng panukala sa inaasahan ng mga mamamayan.
Sa halip na bigyan ng luwag ang mga mamamayan para magkaroon ng madaling pagkuha o pagkopya o pag-aaral sa mga dokumento ng pamahalaan o pakikipag-usap kaya sa mga opisyal ng gobyerno ukol sa mga transaksyon ng pamahalaan at mga opisyal nito, lalong naghigpit umano ang panukalang batas.
ANG MGA PAGHIHIGPIT
Kabilang sa mga paghihigpit ang pagsulat sa mga kinauukulan ukol sa kagustuhang makakuha, makakopya o makapag-aral sa mga dokumento at aabutin ng 15-araw ang sagot dito.
Kapag dinenay ang kahilingan, ang simpleng “in good faith” na rason ay sapat na para walang makuhang impormasyon sa gobyerno.
At naglista ang mga kongresman ng katakot-takot na gawain, transaksyon at kalagayan na hindi pupwedeng pakialaman ng mga mamamayan.
Idedetalye natin ito, mga Bro, sa susunod.
Nasaan ngayon ang kalayaan para sa impormasyon diyan, huh?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment