MALUPIT na kapalaran kung minsan ang inaabot ng mamamayan sa kamay ng mga kinauukulan sa halip na katarungan at paghango sa pagdurusa.
Ito Ang Totoo: halimbawa nito ang mga manggagawang ang kaso ay nilulumot sa lamesa ng mga Labor Arbiter tulad ni Reynaldo V. Abdon ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa Gitnang Luzon.
Isa na rito ang kasong “Illegal Dismissal” at iba pang “claims” na isinampa ni Alexander Q. Galang laban sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Magda-dalawang taon nang hawak ni Abdon ang kaso pero hindi pa matalakay ang merito nito dahil ang pinagtatalunan pa lang ay kung may hurisdiksyon o wala si Abdon at NLRC.
Giit ng SBMA na ang lahat ng termino at kondisyon ng pag-empleyo ng mga taga-gobyerno, kasama na ang mga “government-owned and Controlled Corporations” o GOCC tulad ng SBMA ay saklaw ng “Civil Service Commission” o CSC kaya roon dapat inihain ang reklamo ni Galang.
Posisyon naman ni Galang na sa pitong taon niyang paninilbihan bilang photographer ng SBMA Media Production Dept., hindi siya binigyan ng “appointment” bilang empleyado kundi “contractual” lamang sa ilalim ng “Contract of Services Agreement” kaya wala siyang pinanghahawakan para masaklaw ng CSC at DOLE lamang ang pwede niya munang lapitan.
Ito Ang Totoo: kung tutuusin, dapat may desisyon na si Abdon sa loob ng 30-araw pero magda-dalawang taon ng “ni ha, ni ho” ay walang abiso o naririnig sa kaso.
Labor Sec. Rosalinda Baldoz, ok lang po ba sa inyo itong ginagawa ni Abdon na hindi pagdesisyon kung mananatili o hindi sa NLRC at sa kanya ang kaso?
Ano ba ang pinaggagagawa ni Abdon at napaka-busy at hindi inaasikaso ang mga hawak na kaso?
Sa huli nating pag-usisa, wala pa ring desisyon si Abdon sa apat na taon nang kasong “illegal dismissal” ni Angelito F. Jacinto laban sa Subic Arrirang Mart, Inc.; isang taon na ang kaso laban sa JJ Printing Press sa Olongapo City ni Renita Edisane; magda-dalawang taon na rin ang kaso laban sa Koryo Subic ni Kathrine Soriano at marami pang iba.
Kawawa ang mga empleyado sa pagbinbin ng kaso dahil wika nga ay “Justice delayed is justice denied.” Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment