KAKASUHAN ng Bayan Muna si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Zenaida Ducut dahil sa pagkabigong isumite ang ulat kaugnay ng umano’y sabwatan ng generation companies sa taas-singil sa kuryente noong 2013.
Sinabi ni Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares na sasampahan na nila ng kaso si Ducut sa Ombudsman bukas ng umaga, Nobyembre 11.
“Dina-draft na ‘yung complaint at ipa-file hopefully bukas o the next day ‘yung unang complaint against Chairperson Ducut,” pahayag ni Colmenares.
“Tapos titingnan namin ‘yung other ERC members, baka next week kasuhan. Magkaiba kasi ‘yung responsibilidad nila e… ‘Yung chairperson may administrative control siya,” paliwanag pa ng kongresista.
Binanggit din ni Colmenares na ilang beses nang ipinangako ng ERC ang paglalabas ng resulta ng imbestigasyon sa sinasabing collusion o sabwatan. Binigyan na rin aniya nila ito ng hanggang Nobyembre 7 na palugit pero wala pa ring inilabas ang komisyon.
Matatandaang pumalo sa P4.15 per kilowatt hour ang dagdag-singil na inaprubahan ng ERC para sa Manila Electric Company noong Disyembre 2013 pero pinigil ito ng Korte Suprema. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment