Sunday, November 2, 2014

Bagong kaso ng HIV naitala

MAY 565 bagong kaso ng HIV-AIDS infection ang naitala ng Department of Health (DoH) sa bansa nitong Setyembre, 2014.


Sa ulat ng Philippine HIV and AIDS Registry ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), nabatid na ang naturang bilang ay mas mataas ng 32% kumpara sa naitalang 427 kaso sa kahalintulad na buwan ng nakaraang taon.


Sa nasabing bilang ay 13 ang kumpirmadong nasawi, kabilang ang anim noong Setyembre at pitong nasawi bago ang reporting month.


Ayon sa DoH, ang 94% ng mga kaso ay mga lalaki at ang mga nagkasakit ay nagkaka-edad lamang ng 13 – 67-taong gulang.


Pinakamaraming naitalang kaso ang mga nasa 20-29 age group na umabot ng 59%.


Nabatid na ang 538 sa mga pasyente ay nahawa ng sakit sa pamamagitan ng sexual contact, 26 ang nagkasakit dahil sa pakikigamit ng karayom sa pagtuturok ng droga, at isa ang mother-to-child transmission.


Nananatiling ang ‘males having sex with other males’ o MSM ang predominant type ng sexual transmission na may 81%.


Ang 80% ng mga pasyente ay mula sa National Capital Region (NCR), sumunod ang Region 4A, Region 3, Region 7 at Region 11.


Bunsod ng mga bagong kaso ng sakit, pumalo na sa 4,473 ang bilang ng mga Pinoy na tinamaan ng HIV-AIDS sa bansa ngayong taong 2014 at kabuuang 20,989 naman mula 1984 hanggang Setyembre 2014.


Kabuuang 1,065 ang naitalang nasawi sa sakit mula 1984 hanggang Setyembre 2014, kabilang ang 126 na naitala mula Enero 2014 hanggang Setyembre 2014. MACS BORJA


.. Continue: Remate.ph (source)



Bagong kaso ng HIV naitala


No comments:

Post a Comment